DUTERTE BUMOTO SA DAVAO

duterte

HALOS dalawang oras bago ang pagtatapos ng botohan kahapon ay bumoto si Pangulong Rodrigo Duterte sa Building 1 ng Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS) sa Davao City.

Dumating  ang Pangulo sa  Precinct 1245A ng Clustered Precinct 361 4:35 ng hapon kasama ang kanyang  partner na si Honeylet Avanceña kung saan siya ay nakalista bilang voter number 46.

Dala ang kanyang kodigo ay inabot ng walong minuto ang pagboto ng Pangulo.

Sa nasabi ring presinto bumoto si Davao City Ma­yor Sara Duterte.

Hindi naman nasunod ang unang plano na gagamitin ni Duterte ang kanyang “historical chair” na kanyang ginamit noong 2016 national election kung saan ay nanalo siyang Pangulo.

Sinabi ng pamunuan ng DRANHS na hindi na tugma ang nasabing upuan dahil pinalitan na ang mga wooden armchairs sa nasabing paaralan.

Giniba na rin ang dating classroom na pinagbotohan ng Pangulo at napalitan na ng bagong gusali.

Ibinoto ng Pangulo ang 12 senador, isang party list representative, isang mayor, isang vice mayor, walong city councilors at kinatawan sa Kongreso ng unang distritro ng Davao City.

Muling tumakbo si Sara bilang mayor, vice mayor ang kapatid na si Baste samantalang pagka-kongresista naman  si dating vice mayor Paolo Duterte.

Comments are closed.