DUTERTE HINALIKAN, PINATUNOG ANG BALANGIGA BELLS

balangiga bells

HINALIKAN at pinatunog ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Balangiga bells nang pangunahan nito ang isinagawang turnover ceremony ng tatlong nasabing kampana sa bayan ng Eastern Samar kahapon.

Ito ay makaraang dumalo ang Pangulo para saksihan ang ‘hand over the bells’ transfer certificate’ ni US Deputy Chief of Mission John C. Law kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na siya namang nagbigay ng sertipiko kay Balangiga Mayor Randy Graza.

Matapos ang naturang turnover, nilapitan ni Duterte ang tatlong kampana, hinalikan at pinatunog ito kasabay ng malakas na palakpakan ng mga dumalo sa seremonya.

“The bells are returned. The credit goes to the American people and the Filipino people period,” diin ni Duterte.

Sa maiksing talumpati ng Pangulo makaraang iabot sa lokal na pamahalaan ang Balangiga ang certificate of Balangiga bells ay muling inulit ni Duterte na walang sinuman ang puwedeng umangkin ng kredito para sa nasabing historical event.

Ang pagbabalik sa bansa ng Balangiga bells ay resulta umano ng panalangin ng bawat Filipino at kagandahang loob ng US.

Bago ang kanyang talumpati ay kinamayan din ng Pangulo ang mga obispo at pari na dumalo sa nasabing seremonya.

Gayundin, personal na pinasalamatan ni Duterte ang Amerika sa pagsasauli sa Balangiga bells na kung saan hindi inalintana ng mga residente sa Balangiga, Eastern Samar ang panadaliang pagbuhos ng malakas na ulan para salubungin ang nasabing kampana.

Ginawa ang turnover sa Balangiga Municipal Auditorium.

Gayunpaman, hindi na dumalo ang Pangulo sa high noon mass sa Saint Lawrence the martyr church na ilang metro lamang ang layo mula sa auditorium.

Sina Bishop Crispin Varquez, ang obispo ng Diocese ng Borongan, Papal Nuncio Gabriel Giordano Caccia at CBCP President at Davao Archbishop Romulo Vallez ang ilan lamang sa mga mangunguna sa misa.

Dahil sa hindi pa ayos ang belfry ng Saint Lawrence Church, ilalagay na muna ang tatlong kampana sa gilid ng simbahan.

Ang tatlong piraso ng Balangiga bells ay kinuha ng mga Amerikanong sundalo sa Balangiga, Eastern Sa-mar bilang war trophies nang maganap ang Philippine-American War noong 1901.

Comments are closed.