MAARING ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang concession agreements sa Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services, Inc. dahil sa masyado aniyang “disadvantageous provisions” nito.
Sa panayam ay sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na onerous ang ilang probisyon sa mga concession agreements partikular ang pagsalo ng gobyerno ng losses at pagbabawal na makialam sa ipatutupad na water rates.
Ito ayon kay Panelo ay ilan lamang sa findings na nakita ng Department of Justice makaraang masusing rebisahin ang mga nabanggit na kontrata.
Nauna rito ay inatasan ng Singapore-based Arbitral Tribunal ang pamahalaan ng Filipinas na bayaran ang Manila Water ng P7.39 bilyon dahil sa lugi nito nula Hunyo 2015 hanggang Nobyembre 2019 at P3.6 bilyon naman sa Maynilad dahil sa hindi pagpayag na magtaas sa singil sa tubig mula 2013-2017.
“Hindi magbabayad, kasi nga onerous ‘yung kontrata eh, masyadong disadvantageous sa gobyerno,” wika ni Panelo nang tanungin kung magbabayad ang gobyerno sa dalawang water concessionaires.
“Under the Constitution, the main duty of the President is to serve and protect the people. So on the basis of that, the President can do things that can either annul, rescind contracts, which are arranged or agreed against the interest of the people or public policy,” dagdag pa ni Panelo.
Samantala, nagpahayag naman ang Manila Water na handa itong makipag-usap sa gobyerno para magkaroon ng mutually acceptable manner ng implementasyon ng arbitral award na isinampa laban sa gobyerno noong panahon ng administrasyong Aquino.
Gayundin ang Maynilad na nagpahayag ng kahandaan na makipag-usap sa pamahalaan kaugnay sa naturang concession agreement.
“Walang planong magbayad ang gobyerno ng mahigit P10 bilyon sa 2 water concessionaires kahit inatasan ito ng Singapore arbitration court,” giit pa ni Panelo.
Nauna rito ay nanindigan ang Pangulong Duterte na onerous ang kontrata na pinasok ng gobyerno noong 1997 kaya inatasan nitong bumalangkas ng bagong kontrata na hindi maaagrabyado ang gobyerno. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.