NAKATAKDANG magtungo sa Cotabato City ngayong linggo si Pangulong Rodrigo Duterte upang personal na ikampanya ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Magsasagawa ng plebisito sa Enero 21 sa Cotabato City at Isabela City at sa Pebrero 6 ay sa Lanao del Norte, North Cotabato at iba pang lugar para sa ratipikasyon ng Republic Act No. 11054 na mas kilala sa tawag na “Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao”.
Dadalo ang Pangulo sa isasagawang peace assembly para sa BOL ratification na gaganapin sa ARMM Office of the Regional Governor Compound sa Cotabato City.
“The President’s voice is a powerful influencing voice,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ginanap na press briefing kahapon kaugnay sa pagdalo ni Pangulong Duterte sa nabanggit na peace assembly.
Ayon kay Panelo, suportado ni Pangulong Duterte ang ratipikasyon ng BOL sa paniniwalang ito ang solusyon sa matagal na panahong problema sa Mindanao.
“From the point of view of the President, the BOL will solve the age-old problem of the Muslim rebellion,” giit pa ni Panelo.
Bagamat umaasa ang Pangulong Duterte na mararatipikahan ang BOL tiniyak ni Panelo na anuman ang maging resulta ng plebisito ay irerespeto ito ng chief executive.
“If despite the support and the campaign, the overwhelming majority or even the slight majority say they rejected it, the President cannot do anything but to comply of the sovereign voice of the people in Mindanao,” dagdag ni Panelo.
Samantala, sinabi ni Panelo na posibleng misinformed lamang si House Majority Leader Rolando Andaya Jr. kaugnay sa umano’y kakulangan ng pondo para sa pagsasagawa ng plebisito sa BOL.
“His statement is misplaced and without basis. There are funds for the plebiscite,” sabi pa ni Panelo.
Sa kanyang privelege speech noong Lunes sinabi ni Andaya na nabigo si Budget Secretary Benjamin Diokno na maglaan ng pondo para sa nabanggit na plebisito. EVELYN QUIROZ