IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodridgo Duterte ang suspensiyon ng rice importation upang matulungan ang mga magsasaka sa bansa at matugunan ang kanilang reklamo sa napakababang presyo ng palay.
“Yes. Because it is harvest time,” tugon ng Pangulong Duterte nang tanungin kung inatasan niya si Agriculture Secretary William Dar na suspendihin ang rice importation.
Ayon sa Pangulo, malaking kompetensiya ang kinakaharap ng mga magsasaka sa pagbaha ng rice imports sa bansa, subalit hindi maiiwasan na mag-angkat ng bigas upang matiyak na may sapat na suplay sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na mahalagang balansehin din ang kalagayan ng mga magsasaka gayundin naman ang mga consumer.
“So mamili ka kung ikaw ang nasa puwesto ko: magutom ‘yung tao o galit ‘yung mga farmers?” giit pa ng Pangulo.
Bagama’t panahon ng anihan ngayon ay nagdesisyon ang Pangulong Duterte na suspendihin ang rice importation.
Sa layuning matulungan ang mga magsasaka ay hihilingin ng Pangulong Duterte sa Department of Agriculture at sa Kongreso na maglaan ng salapi upang mabili ang lahat ng bigas ng local farmers sa bansa.
Bunsod ng umiiral na rice tariffication law, na naging epektibo sa taong ito ay bumaha ng mga murang imported rice sa bansa na naging dahilan upang mapilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang produkto sa napakababang presyo.
Hindi naman tinukoy ng Pangulong Duterte kung hanggang kailan iiral ang suspensiyon ng rice importation na kanyang ipinag-utos. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.