HINAMON ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes si Pangulong Duterte at Senador Panfilo “Ping” Lacson na pangalanan na kung sino ang mga umano’y komunista sa kampo ni VP Leni Robredo.
Sinabi ng dating senador na kung hindi nila gagawin ito ay mababansagan lamang silang mga “fake news peddlers”.
“I am calling on President Duterte and Senator Lacson to name the communists that they claim to be part of the campaign team of VP Leni,” ani Trillanes na ngayon ay tumatakbo pagka-senador sa ilalim ng Leni-Kiko tandem.
“Bilang kaalyado ni VP Leni, diretsahan na sasabihin ko na hindi ito totoo, pero bibigyan ko pa rin sila ng pagkakataong maglabas ng pangalan,” dagdag pa niya.
Inakusahan ang kampo ni Robredo na nakikipagsabwatan sa mga komunista na sinasabing naglalayong guluhin ang darating na halalan sa Mayo. May nauna ring pahayag si Lacson ng diumano’y “commmunist infiltration” sa campaign team ni Robredo.
Ang mga alegasyong ito ay kasunod ng mga sinabi ni Cavite Rep. Crispin Remulla na may mga kasapi ng mga komunistang grupo na dumalo sa political rally ni VP Leni Robredo at Kiko Pangilinan sa Cavite noong Marso 4, kung saan halos 50,000 ang dumalo.
“As for Senator Lacson, a decorated police officer and a former PNP chief, he of all people should know that the one who makes the accusations should present evidence to support the claim,” ani Trillanes.
“If they cannot come up with names, then we can dismiss their allegations as fake news o intriga lang para subukang harangin ang patuloy na pagdami ng suporta ng ating mga kababayan sa kampanya ng Team Leni-Kiko,” dagdag niya.