HINDI naitago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagiging emosyonal dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Filipino bilang kauna-unahang lider ng Filipinas na bumisita sa Israel.
Sinasabing napaiyak din ang Pangulo dahil nasa Holy Land siya.
“Alam mo bihirang-bihira ako umiiyak. Lalo na nu’ng… I could remember maybe the times that I cried, when my father and mother died. But rare, very rare,” ayon kay Pangulong Duterte.
Sinabi pa ng Pangulo na posibleng ulitin niya ang pagbisita sa nasabing bansa.
Itinuturing nito na isa ang Israel sa pinakamagandang lugar na puwedeng mapuntahan.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa Israel sa pag-imbita sa kanya at pag-host sa 29,000 Filipinos na karamihan ay pawang mga caregiver.
“I would like to say thank you for hosting so many of my countrymen in the State of Israel and that I have to hear any problem that may come from any Filipino here,” dagdag pa ng Pangulo.
DUTERTE NANGAKO SA MGA OFW
Nangako si Pangulong Duterte sa mga OFW sa Israel na tutuparin niya ang kanyang mga pangako sa sambayanan noong panahon ng halalan.
Sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community ay sinabi ng Pangulo na tinatrabaho na niya ang lahat ng kanyang mga pangako para matupad ang mga ito.
Kabilang dito ang pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno kung saan ipinagmalaki niya na marami na siyang sinibak at walang kontrata sa gobyerno ang dumarating sa kanyang tanggapan.
Nangako rin ang Pangulo na tuloy ang laban ng kanyang administrasyon sa ilegal na droga para maprotektahan din ang mga pamilya ng mga OFW na naiwan sa Filipinas.
“They (drug traders) transform a Filipino who is of sound mind to someone who is inutile for the rest of his life. Gawin mo silang slaves to a chemical called shabu. Now if you are the president of a country and you are being treated with a s*** like that, what you will do? Eh ‘di I will kill you. Napapaiyak talaga ako kanina, it’s not because of one person. Makita ko kayo and I need to protect everybody. You know maski na papaano by whatever measure if you are out of your country, it is really a very lonely job,” anang Pangulo.
DELEGADO 46 LANG ‘DI 400 — PALASYO
Pumalag ang Malakanyang sa pahayag na 400-member delegation ang bitbit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang official visit sa Israel.
Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na 46 lamang ang nasa official list.
“The total number of official delegates and accompanying delegates consists of 46 passengers total. That’s on the official list,” ayon kay Sec. Roque.
Sinabi nito na may 150 miyembro ng business delegation ang sumama sa biyahe subalit kanya-kanyang bayad ang mga ito sa kanilang airfare at accommodations at hindi umano alam ni Roque kung saan galing ang sinasabing 400 pasahero ang bitbit ng Pangulo.
Kasama sa Israel visit ng Pangulo sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Labor Secretary Silvestre Bello III, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Trade Secretary Ramon Lopez, Environment Secretary Roy Cimatu, Transport Secretary Arthur Tugade, at Energy Secretary Alfonso Cusi.
Bahagi rin ng delegasyon sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Presidential Spokesperson Harry Roque, Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, Presidential Political Adviser Francis Tolentino, Senator Richard Gordon, Interior officer-in-charge Secretary Eduardo Año, at Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Elson Hermogino. PILIPINO Mirror News Team