INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakararanas siya ng panghabambuhay na matinding sakit sa katawan bunsod ng spinal injury kaugnay sa pagkaaksidente sa motorsiklo may ilang taon na ang nakararaan.
Ginawa ng Pangulo ang pag-amin makaraang mag-post sa kanyang facebook account si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na comatose na ang Chief Executive na agad namang mariing pinabulaanan ng mga miyembro ng kanyang Gabinete.
“I have a C4 and C7 that were impinged. That’s why I am in perpetual pain,” sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa pagtitipon ng mga municipal mayors sa Cebu City noong Martes.
Ayon sa Pangulo, kung susukatin ang kanyang sakit na nararamdaman mula one to ten, nasa seven ang level ng kanyang sakit na nararamdaman.
“E ayaw na ng doktor na sige ng painkiller. Sabi niya, ‘You better come to terms with your body,” sabi pa ng Pangulo.
Ayaw din aniya ng kanyang partner na si Honeylet Avancena na paoperahan siya para ayusin ang kanyang spinal injury sa pangambang magdulot lamang ng ibang kumplikasyon.
Sinabi pa ng Pangulo na bilang isang nurse sa ibang bansa, marami na aniyang nasaksihan si Avancena na hindi naging maayos ang operasyon.
Samantala, sa isang panayam pinayuhan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga nagpapakalat na nasa comatose ang Pangulo na magbigti na lamang sapagkat ang kanilang masamang ninanais sa Chief Executive ay hindi mangyayari.
“The President is lively. The President is a lawyer. If he has a serious problem, he will follow the Constitution, he will give information about his health. But we have seen that it’s impossible for him to have a serious illness because the President was acting very normal yesterday,” giit ni Roque. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.