IKINATUWA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtanggap ni Vice President Leni Robredo sa kanyang alok na pagiging co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inaasahan ng Pangulo na makikita ng bise presidente ang totoong sitwasyon sa sistema ng pagsasawata sa ilegal na droga maging ang kalagayan ng pamahalaan laban sa extrajudicial o state sponsored killings.
Aniya, sana ay maintindihan din ni Robredo na may nangyayaring patayan dahil sa mga umano’y nanlalaban sa awtoridad.
Samantala, tiniyak ni Panelo na ibibigay ng kasalukuyang administrasyon ang buong suporta sa bise presidente kaugnay sa kampanya kontra ilegal na droga.
Nagpahayag naman ng pagsuporta kay Robredo ang ilang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kina CBCP Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, kapuri-puri ang pagnanais ng bise presidente na makatulong sa paglutas sa problema sa ilegal na droga ng bansa, sa pamamagitan nang pagiging co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
“I support the decision of VP Lenie to take on the challenge to be the drug czar. Her purpose for taking on this charge is clear – to save human lives and to make government accountable for its actions,” ani Pabillo sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Nauna nang sinabi ni Robredo na nais nitong maisailalim sa rehabilitasyon ang mga taong nalulong sa ipinagbabawal na gamot dahil hindi aniya ang pagpaslang ang tugon sa lumaganap na problema ng bansa sa ilegal na droga.
Umaasa naman si Pabillo na magkakaroon ng pagkakaisa ang gobyerno tungo sa pagsulong at sa ikalulutas ng suliranin sa ipinagbabawal na gamot kung saan mahigpit na ipatupad ang batas upang mapanagot ang mga ‘bigtime drug dealers’ sa halip na paslangin ang mga maliliit na taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot na karamihan ay mahihirap.
Samantala, bagamat may pag-aalinlangan si David, sa desisyon ni Robredo, hinangaan nito ang pagiging matapang ng bise presidente para isulong ang makataong pamamaraan sa pagsugpo sa talamak na suliranin ng droga sa bansa. DWIZ882 (MAY DAGDAG NA ULAT SI ANA ROSARIO HERNANDEZ)
Comments are closed.