DUTERTE PINURI SA PAGSIBAK KAY FAELDON

duterte

UMANI ng suporta sa Senado  at Kamara si Pangulong Rdorigo Duterte sa ginawa nitong pagsibak sa puwesto kay Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon at ang pagpapasuko sa may 1,914 na nakalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA)  na sumuko sa loob ng 15 araw.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, ang na­ging aksiyon ng Pangulo ang nagbigay dahilan para magpatuloy ang kanyang suporta sa administrasyon kontra sa kriminalidad.

Sa pahayag nito na pareho sila ng posisyon ng Pangulo para sa karapatan ng mga biktima na walang kaalam-alam na nakalaya na ang mga suspek.

Nagpahayag din ng suporta si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa naging aksiyon ng Pa­ngulo sa pagpapatalsik kay Faeldon sa puwesto.

Nagpasalamat naman si Senadora Imee Marcos sa Pangulo sa pagbibigay ng proteksiyon laban sa mga kriminal na nakalaya dahil sa GCTA.

Ani Marcos, tungkulin ng Kongreso na madaliin ang pagresolba o pag-amiyenda sa IRR ng GCTA.

Sa panig naman ni Senate President Vicente Sotto III, matapos na sibakin si Faeldon ay dapat na magbitiw rin sa puwesto ang ilang opisyal ng Bucor na sangkot sa kontrobersiyal na GCTA.

Para naman kay Senador Joel Villanueva, kapuri-puri ang ginawang hakbang ng Pangulo habang tinitiyak naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na suportado ng publiko ang pagsibak kay Faeldon.

Ayon kay Senador Win Gatchalian na dapat na maglagay ng karapat-dapat na Bucor Chief na ipapalit kay Faeldon na walang bahid na korupsiyon sa nakaraang pagseserbis­yo sa gobyerno.

Sa Kamara ay  kapwa naghayag ng kanilang buong pagsuporta at pa­puri ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at maging ang panig ng tinaguriang ‘minority bloc’ sa naging desisyon ni Duterte.

Nanawagan si Speaker Alan Peter Ca­yetano (1st Dist. Taguig City-Pateros) sa lahat ng tumulong sa Duterte administration sa kampanya laban sa katiwalian, na lumantad at huwag matakot na ibunyag ang nalalaman nilang maling gawain sa pamahalaan. VICKY CERVALES, ROMER BUTUYAN

Comments are closed.