ANG PANGULONG Duterte lamang ang makareresolba sa usapin sa pagpili ng magiging House speaker.
Ito ang pahayag ng mga kongresista na dumalo kahapon sa idinaos na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery and Cafe.
Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na dapat ng ikonsidera ng Pangulo ang napipisil nitong speaker ng Kamara.
Aniya, kinakailangan ng presidential intervention sa pagpili ng lider sa Kamara at wala nang hahadlang sa anumang isulong na legislative agenda ng administrasyon lalo pa’t sa kasaysayan ng Kamara ay ngayon lamang nakuha ng isang Pangulo ang buong suporta ng halos lahat ng mga mambabatas sa Kongreso.
“Kaming mga congressman, importante sa amin na ‘yung Speaker ay alay ng Presidente,” pahayag ng solon.
Kumbinsido rin dito sina Capiz Rep. Fredenil Castro at AnakKalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na parehong dumalo sa naturang forum.
Naniniwala si Castro na Pangulo lamang ang makakaresolba ng nasabing usapin.
Kabilang sa mga pinagpipiliang maging House speaker ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Taguig Rep. Allan Pe-ter Cayetano, Leyte Rep. Martin Romualdez at kamakalawa ay nagpahiwatig si Davao Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte na sasali sa Speakership race.
Ayon sa batang Duterte, “The House is divided. I might be able to help unite it. Pareho lang kaming binoto ng mga tao, ah. Kung term-sharing, term-sharing na kaming lahat,” dagdag nito.
Pipili ang mga kongresista ng Speaker sa umaga ng pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo 22 sa kaparehong araw ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.