WALANG dapat ipag-alala ang publiko kaugnay sa nangyaring pagsemplang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa motorsiklo sa loob ng Presidential Security Group o PSG Compound sa Malakanyang Complex noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ligtas at maayos naman ang kondisyon ng Pangulong Duterte na kanyang napag-alaman sa common law wife na si Honeylet Avancena.
Pahayag ni Panelo na ayon kay Avancena, nahulog ang Pangulo makaraang sumabit ang kanyang sapatos habang ipinaparada ang motorsiklo sa PSG compound kung saan narooon ang Bahay Pagbabago na siyang official residence ng Chief Executive.
“I would like to assure the nation that the President is safe, in good hands and in good health. There was an accident. We confirm that last night he rode on his motorcycle but after he parked his motorcycle, his shoes were stuck. He was trying to reach for it, he fell,” giit ni Panelo.
Dagdag ni Panelo na nagkaroon ng gasgas sa siko at tuhod si Pangulong Duterte subalit nasa maayos na kalagayan at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital.
“President Duterte is now resting in his official residence. Again, we assure the people that the President is fine, and his recovery entails no major medical procedure,” dagdag pa ni Panelo.
Tiniyak din ni Panelo na tuloy ang mga aktibidad ng Pangulong Duterte kasama ang pagtanggap niya sa Malakanyang sa bumibisitang Presidente ng bansang India na si Ram Nath Kovind. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.