UMAASA si Pangulong Rodrigo Duterte na tutupad sa usapan sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Congressman Lord Allan Velasco sa term sharing sa speakership.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala namang magagawa si Pangulong Duterte kung walang numero si Velasco para suportahan ang pagka- speaker.
“He’s hoping na tumupad sa usapan ang partido. Pero kung wala pong numbers si Congressman Lord Alan, e wala po siyang magagawa. The President is hoping the speaker and Congressman Velasco will honor their agreement but ultimately the decision will be the decision of individual congressmen. Ang sabi po niya, to quote talaga is, kung walang numero si Lord Alan, wala siyang magagawa,” pahayag ni Roque.
Agad namang nilinaw ni Roque na hahayaan na ni Pangulong Duterte ang mga kongresista na magdesisyon kung sino ang kanilang pinuno.
“Well, ang posisyon nga po ng Presidente, hinahayaan niya ang miyembro na magdesisyon kung sino ang kanilang magiging leaders dahil lone jurisdiction yan ng mga miyembro ng Kongreso. Sa akin po wag naman natin bigyan ng bahid na kahit ano, meron pong presumption of good faith, meron pong karapatan ang mga indibidwal na myembro ng Kamara na hahalal sa kanilang liderato,” pahayag ni Roque.
Una nang inindorso ni Pangulong Duterte ang term sharing sa speakership sa pagitan nina Cayetano at Velasco.
Mauupo si Cayetano ng 15 buwan o hanggang Oktubre ngayong taon habang si Velasco naman ang mauupo sa natitirang buwan bago matapos ang kanilang termino sa May 2022.
Taong 2019 nang ang Pangulong Duterte na siyang chairman of the ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan ang nag-ayos ng term-sharing scheme sa pagitan nina Cayetano at Velasco para sa speakership post upang maiwasan ang pagkakaroon ng division ng coalition party sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.