TULOY pa rin ang pagsakay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa chopper para sa kanyang mga dadaluhang events sa labas ng Malakanyang sa kabila ng naganap na pagbagsak ng sinasakyang Bell 429 chopper ni PNP chief General Archie Gamboa kahapon ng umaga sa Santa Rosa, Laguna.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, palagi namang sinasabi ng Pangulong Duterte na hindi siya takot na mamatay.
“I don’t think – you know the President. The President always says, ‘If it’s my time, it’s my time,” tugon ni Panelo nang tanungin kung ang nangyaring aksidente kay Gamboa ay makaaapekto sa pagsakay sa chopper ng Pangulong Duterte.
“He is fatalistic,” wika ni Panelo.
Simula nang maupo sa puwesto noong 2016, palaging nakasakay ng chopper si Pangulong Duterte para dumalo sa mga public engagement.
Ayaw kasi ng Pangulo na makaabala sa daloy ng trapiko dahil tiyak na ipatitigil aniya ang mga sasakyan kapag dadaan ang kanyang convoy.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo na maaring bisitahin ni Pangulong Duterte si Gamboa na ngayon ay nasa ospital dahil sa mga tinamong sugat matapos bumagsak ang sinasakyang chopper.
Ayon kay Panelo nagulat at nalungkot ang Malakanyang sa nangyaring aksidente kay Gamboa at sa pitong iba pa na lulan din ng naturang chopper.
Subalit nagagalak din ang Palasyo at ligtas ang mga opisyal. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.