NAKATAKDANG dumalo ang mga kinatawan ng limang liga na sasabak sa 2022-23 East Asia Super League (EASL) sa inaugural draw of lots ngayong Martes sa Shangri-La Fort Manila.
Sasamahan ng PBA Board sa pangunguna ni chairman Ricky Vargas kasama si commissioner Willie Marcial ang kanilang counterparts mula sa Japan B. League, Korean Basketball League (KBL), PLeague+, at Bay Area Dragons of Greater China sa unang major activity ng regional league para sa October launch.
Nakuha ng Seoul SK Knights at Anyang KGC ang karapatang katawanin ang KBL sa EASL, ang B. League ay kakatawanin ng Utsonomiya Brex at Ryukyu Golden Kings, at ang Dragons ang magiging kinatawan ng Greater China, habang wala pang kinatawan ang PBA at PLeague+.
Ang champion team at runner-up sa nagpapatuloy na Philippine Cup ang magiging kinatawan ng PBA sa home-and-away tournament, samantalang isa sa Taipei Fubon Braves at Hsinchu JKO Lioneers ang kakatawan sa PLeague+, na ang best-of-seven title series ay nagpapatuloy.
Sa proseso ng draw, ang bawat domestic league ay papipiliin sa coin flip, at ang magwawagi ay mapupunta sa Group A at ang matatalo ay sa Group B.
Ang PBA at PLeague+ ay bibigyan ng kani-kanilang designations sa draw.
Bago ang draw, idaraos ng EASL ang kauna-unahan nitong Advisory Board meeting, kung saan si Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua ang kakatawan sa PBA.
Sa EASL format, ang walong koponan ay hahatiin sa dalawang grupo, at maglalaro sa home-and-away games na may kabuuang anim na laro kada koponan.
Ang top two teams sa bawat grupo ay aabante sa semis, at ang dalawang matitirang koponan ay maghaharap para sa kampeonato na may $1 million prize money.
– CLYDE MARIANO