(Epektibo sa Hunyo 3) P33 WAGE HIKE SA METRO KASADO NA

Labor Secretary Silvestre Bello III-2

EPEKTIBO na sa Hunyo 3 ang P33 na minimum wage hike sa Metro Manila, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na aprubado na ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa National Capital Region (NCR) ang rekomendasyon ng Regional Wages and Tripartite and Productivity Board (RTWPB) na P33 umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Aniya, kasabay ng Metro Manila ay ipatutupad na rin sa Hunyo 3 ang dagdag-sahod na P55 hanggang P110 kada araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Western Visayas.

Kailangang mailathala sa mga pahayagan na may general circulation sa loob ng 15 araw ang wage order para sa dagdag-sahod bago ito tuluyang maipatupad sa iba’t ibang rehiyon.

Samantala, sinabi ng DOLE na inaprubahan na rin ng mga RTWPB ang taas-sahod sa Ilocos Region: na P60 – P90; Cagayan Valley, P50 – P75; at Caraga Region: P45.

Habang ang iba pang rehiyon at RTWPB ay kasalukuyan pang nasa proseso ng public hearing at mga deliberasyon para sa umento sa sahod, ayon sa DOLE. PAUL ROLDAN