(Evacuees patuloy na lumolobo, mahigit na sa 24k) ABO AT LAVA PATULOY NA IBINUBUGA NG TAAL VOLCANO

Taal Volcano

BATANGAS – PATULOY na nadaragdagan ang bilang ng mga residenteng lumilikas sa paligid ng Taal Lake habang itinaas na sa level 4 ang alerto.

Bandang alas-3:00 ng madaling araw kahapon ay naglabas ng lava fountains ang bulkan kasabay ng tone-toneladang abo na kumalat sa mga kalapit na lalawigan na umabot sa Metro Manila.

“Napakabilis ng pagbabago ng kanyang kondisyon,” pahayag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum sa nagaganap na pag-aalburuto ng bulkan.

Ayon kay Philippine Army 2nd Infantry Division Commander Acting Southern Luzon Command chief Maj. Gen Arnulfo Marcelo Burgos, umaabot na sa 24,000 residente ang kanilang nailakas sa 73 evacuation centers sa 24 siyudad at munisipalidad sa buong Batangas at kalapit bayan ng Laguna.

Nabatid na umaabot sa 36 military vehicles at 456 na sundalo ang itinalaga ng Philippine Army kaugnay sa massive evacuation na ginagawa simula pa noong Linggo.

Ayon kay Burgos, patuloy na lolobo pa ito habang tumataas ang antas ng alerto at babala ng Phivolcs hinggil sa posib­leng hazardous eruption sa mga susunod na oras o araw.

Sa report na ibinahagi ni Solidum sa National Disaster Risk Reduction Management Counci, ang pagbuga ng lava sa crater ng bulkan noong Lunes ay manipestasyon ng pag-akayat ng namumuong magma.

Personal namang tintutukan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, national chairman ng NDRRMC ang paghahanda sa posibleng hazar­dous eruption.

Ayon sa kalihim, pinaghahandaan nila ang worst case scenario gaya ng Pinatubo eruption. VERLIN RUIZ

Comments are closed.