HINDI matatawaran ang pagmamahal ng mga Pilipino sa basketball. Mula sa mga maliliit na liga sa mga barangay at maging sa propesyonal na antas ay hindi maaaring mawala ang basketball. Sa katunayan, maging sa mga torneong gaya ng Southeast Asian (SEA) Games, isa ang basketball sa talaga namang inaabangan at sinusubaybayan ng mga Pilipino.
Sa 22 na taong idinaos ang SEA Games mula taong 1977, 19 na beses inuwi ng Pilipinas ang gold medal sa larangan ng basketball at silver naman para sa mga taong hindi nasungkit ang kampeonato. Kaya hindi rin talaga kataka-takang dinamdam ng buong bansa nang matalo tayo sa bansang Indonesia noong 31st SEA Games matapos ang 13 na taong sunud-sunod na panalo ng Pilipinas.
Kaugnay nito, nagkaroon ng mas malalim na motibasyon at dedikasyon ang Gilas Pilipinas kaya pambihirang husay, galing, at determinasyon din ang ipinamalas ng koponan sa 32nd SEA Games na ginanap sa Phnom Penh sa Cambodia. Bilang resulta, muling naibalik sa Pilipinas ang gintong medalya.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ng Gilas Pilipinas sa muling pagkamit ng kampeonato. Nalagay pa sa alanganin ang pagkakataon ng koponan dahil sa pagkatalo nito sa Cambodia sa preliminary round. Binubuo kasi ng mga tinatawag na “naturalized players” ang naturang koponan na naging matinding hamon para sa Gilas.
Batid ang matinding hamon para muling maiuwi ang kampeonato, hindi napanghinaan ng kalooban ang Gilas. Baon ang puso at determinasyon, dinomina ng Gilas ang Cambodia. Dalawang beses lamang naibaba sa limang puntos ang lamang ng Gilas sa second half ng laro.
Kitang-kita ang pagiging agresibo ng Gilas na hindi nagpatinag sa mga matatangkad na naturalized player ng Cambodia at nakipagsabayan sa pag-rebound at paghabol ng bola tuwing libre ito. Ang matinding depensa ng koponan ay nagtulak sa Cambodia na maipit at hin- di maisagawa nang maayos ang kanilang opensa. Napilitan tuloy silang tumira sa mga contested shot.
Kitang-kita rin sa istatistika ang mahusay na depensa ng Gilas na nakapagtala ng anim na steals at tatlong blocks, habang ang Cambodia naman ay may limang steals at, kahit matatangkad, walang naitalang block. Bilang resulta rin ng istratehiya sa depensa ng Gilas, hindi nakaporma ang magaling na point guard ng Cambodia na si Darren Ray Dorsey. Hindi siya nagtagumpay sa paggawa ng puntos ‘di gaya noong tinalo nila ang Gilas sa preliminary round.
Kahit ang mga hindi eksperto sa basketball ay mapapansin na tila kulang sa istratehiya ang Cambodia sa depensa at opensa nito. Halos walang magawa ang Cambodia kapag pumasok na sa paint ang mga malalaking manlalaro ng Gilas gaya nila Justin Brownlee at Christian Standhardinger para pumuntos.
Hindi rin matatawaran ang enerhiyang ipinakita ng Gilas sa opensa at depensa. Epektibo ang isinagawang mga offensive set at mga screening action para makahanap ng mga open layup at three-point shot. Hindi umubra ang tangkad at husay ng mga manlalaro ng Cam- bodia sa mahusay na istratehiya, galing, at puso ng Gilas.
Bagama’t mukhang pandaraya ang nangyari, wala namang nilabag na regulasyon ng SEA Games Federation ang Cambodia. Lingid sa kaalaman ng publiko, binibigyan ng SEA Games Federation ng pribilehiyo ang mga host na bansa na magpatupad ng mga pagbabago sa torneo batay sa kung ano ang makatutulong sa kanila na makakuha ng maraming gintong medalya. Layunin ng pribilehiyong ito na magsilbing insentibo upang mahikayat ang iba’t ibang bansa na mag-bid sa pagiging host ng SEA Games.
Bilang host, maaari ring magdagdag o magbawas ng event o isports ang isang bansa. Bilang halimbawa, noong naging host ang Pilipinas noong 2005, idinagdag natin ang Arnis at ginawa itong medal sport sa halip na demonstration sport. Ang hakbang na ito’y nagdagdag ng tatlong Gintong medalya para sa bansa. Noong 2019 naman, isa sa mga idinagdag natin ang esports gaya ng Mobile Legends, Dota 2, Tekken, at iba pa.
Hindi lang talaga sukat akalain na sasamantalahin ng Cambodia ang pribelehiyong ito nang alisin ng bansa ang limitasyon sa bilang ng mga naturalized player na maaaring isama sa linya ng mga manlalaro. Basta’t mayroong pasaporte ng Cambodia, maaaring maging kinatawan ng bansa sa iba’t ibang isports gaya na lamang sa basketball.
Upang maiwasan ang ganitong uri ng pang-aabusong ginawa ng Cambodia, hindi kaya dapat ang lahat ng torneyo sa basketball ay dapat nasa pangangasiwa ng FIBA para isa na lamang ang batayan ng mga torneyo sa larangan ng basketball.
Dahil sa hamong nalampasan, naging mas makahulugan para sa Gilas ang muling pagkamit sa kampeonato. Hindi sila sumuko at nagpasindak sa tangkad at dami ng mga naturalized player ng Cambodia. Nanaig ang tunay na mahusay at magaling, at ang tunay na may puso para sa bansang kinakatawan.
Nawa’y sa susunod na SEA Games, magkaroon na ng regulasyon ukol sa bilang ng mga nat- uralized player na maaaring isali sa linya ng mga manlalaro dahil si- sirain nito ang diwa ng torneyo. Ito ay isang bagay na hindi magandang panundan ng mga susunod na host ng torneyo.