GILAS WOMEN MAPAPALABAN SA THAIS

HANOI –  Galing sa  opening-day win kontra Indonesia, mapapalaban ang Philippine women’s basketball team kontra Thailand sa 31st Southeast Asian Games ngayong  Miyerkoles sa Tat the hanh Tri Gymnasium.

Nakatakda ang laro sa alas-9 ng umaga (alas-10 ng umaga sa Pilipinas), kung saan umaasa si coach Pat Aquino na muling maglalaro ang  kanyang tropa na may excellent defense tulad ng kanilang ginawa sa 93-77 panalo kontra Indonesia noong Lunes.

Ang Thailand, na hinubaran ng korona ng Gilas women sa  2019 Games, ay nanalo rin laban sa Malaysia,  70-67, noong Lunes.

“Hopefully, we get that momentum going into the other games, especially against Thailand. We have to have a great game again like this. I’m just happy that they were doing their best. Talagang sobrang saya ko,” pahayag ni Aquino matapos ang panalo kontra Indonesia, na pinangunahan nina  Afril Bernardino at Janine Pontejos na may 16 at 15 points, ayon sa pagkakasunod.

Higit sa lahat, naging matindi ang depensa ng mga Pinay, na nagresulta sa 18 steals.

“They had a great game defending. We had 18 steals and forced them (Indons) to turnovers. ‘Yun ‘yung advantage namin. It’s like our offense. We play good defense, that’s our offense. Sumama pa ‘yung shooting. All the hustle was there. Hope to sustain everything,” ani Aquino.

Kasalo ng Pilipinas sa maagang liderato ang Thailand at  host Vietnam sa seven-team eliminations, kung saan ang top-ranked nation sa pagtatapos ng torneo ang mag-uuwi ng gold medal.

Tinalo ng Vietnam ang  Singapore sa isa pang laro noong Lunes.