NABABAHALA si Budget and Management Secretary Benjamin Diokno na kapag sinunod nila ang schedule ng Senado ay magiging reenacted ang budget para sa 2019.
Ani Diokno, tatamaan ng election ban ang mga proyekto kung saan ipinagbabawal ang pag-release ng budget kaya made-delay ng limang buwan ang konstruksiyon ng mga proyekto.
Dahil na rin sa panawagan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at ng Malakanyang ay nagtungo sa Senado ang kalihim upang hilingin na aprubahan ang budget bago mag-break ang sesyon sa Disyembre 13.
Bilang tugon ay iginiit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magdo-double effort ang mga senador para maratipikahan na ang budget sa Disyembre 13 at malagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bago mag-Pasko.
Pinuna rin ni Diokno ang calendar schedule ng mga senador na tila, aniya, masyadong mahaba ang kanilang bakasyon.
Partikular na napuna ng kalihim ang session break simula Disyembre 14 hanggang Enero 14 na halos isang buwan.
Aniya, lahat ng ahensiya ng pamahalaan, gayundin ang mga pribadong tanggapan, ay bumabalik sa kanilang mga trabaho ng Enero 2. VICKY CERVALES
Comments are closed.