HIDILYN SABLAY SA MEDALYA

BIGO si Filipina weightlifter Hidilyn Diaz na magwagi ng medalya sa 19th Asian Games makaraang magkasya sa fourth place sa women’s 59kg division nitong Lunes sa Xiaoshan Sports Centre Gymnasium.

Si Diaz ay nanalo ng gold sa 2018 Asian Games sa Jakarta kung saan siya sumabak sa 53kg weight class, pagkatapos ay gumawa ng kasaysayan para sa Pilipinas nang bumuhat ng gold sa Tokyo Olympics noong 2021, sa 55kg division.

Subalit ang naturang mga weight class ay tinanggal sa Asiad program, gayundin sa Paris Olympics sa susunod na taon kaya sumasabak ngayon si Diaz sa mas mabigat na weight class.

Bumuhat si Diaz ng 97kg sa snatch at 126kg sa clean-and-jerk para sa kabuuang 223kg, four kilograms sa likod ni Chinese Taipei’s Kuo Hsing Chun, na kinuha ang bronze medal.

Si Kuo ay gold winner sa Tokyo Olympics at tangan pa rin ang world record para sa 59kg weight class, makaraang bumuhat ng kabuuang 247kg noong April 2021. Gayunman ay tinalo siya nina North Korea’s Kim Ilgyong at China’s Luo Shifang sa Asian Games.

Sa kabila na sumablay sa podium, nananatiling kumpiyansa si Diaz dahil sa patuloy niyang paghahanda para sa Paris Olympics sa susunod na taon na magiging ika-5 pagsabak niya sa Summer Games.

“I’m pushing myself to the limit for this,” ani Diaz.

“I’m confident of winning gold in Paris, but I’ll need to lift 107kg and 135kg to do that.”