INIREKOMENDA ng House Ways and Means Committee sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na pagaangin ang mga hinihinging kailangan kaugnay sa deadline ng pagbabayad ng income tax sa Abril 15 dahil sa kagipitang dulot ng umiiral na enhanced community quarantine laban sa COVID-19.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng komite, hinihiling din nila sa BIR na huwag patungan ng penalties ang babayarang mga buwis hanggang Mayo 4 ngayong taon. Nakapaloob din ang naturang mga rekomendasyon sa ‘aide memoire’ niya sa pamunuan ng Kamara, kung saan kasama rin ang mga detalye ng mga hakbang para isulong lalo ang ekonomiya habang inaalalayan ang mga taxpayer sa gitna ng pananalasa ng Covid-19.
“Dapat tulungan din ng BIR ang mga taxpayer sa pamamagitan ng pagpapagaan sa mga itinatalaga na batas. Bagama’t nakasaad sa batas ang April 15 deadline, may mga paraang magagawa ang BIR Commissioner na iurong ito kung may makatarungang dahilan, na isinasaad din ng tax code. Nauunawaan ko ang nabanggit ng Finance Secretary na nalalagay sila sa alanganin, ngunit may magagawang remedyo para pagaangin ang sitwasyon,” pahayag ni Salceda.
“Maaari nga namang iurong ang deadline pansamantala, o ang petsa ng pagpapataw ng penalties na kapwa makapagpapagaan sa pasanin ng mga taxpayer,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng mambabatas na makatutulong din ang electronic filing and payment system ng BIR para mapairal ang ‘social distancing’ na kailangan ngayon.
“Ginagamit na ito ng BIR Large Taxpayer Service na siyang sistema ng mga 30,000 hanggang 40,000 kompanya na ang buwis na ibinabayad ay umaabot sa 68% ng kabuuang koleksiyon ng ahensiya. Alalayan din natin ang mga nagbabayad ng buwis,” paliwanag niya.
“Tila mapipilitan na nga tayong pabilisin ang implementasyon ng ‘electronic filing system.’ Kasalukuyan din kaming nakikipag-ugnayan sa Finance Department at BIR upang matukoy ang iba pang mga paraan upang maalalayan ang mga taxpayer sa panahon ngayon ng COVID-19,” dagdag niya.
Ayon kay Salceda, ang mga rekomendasyon ng House Ways and Means Committee ay bahagi lamang ng P199-bilyon ‘package of measures’ na naglalayong lalong pasiglahin ang pagsulong ng ekonomiya habang tinutugunan naman ang pahirap na dulot ng COVID-19 pandemic. Ang naturang package ay pinamagatang “Filipino Families First Act of 2020” na nakahanda nang ihain sa Kamara.
Comments are closed.