IBANG SOURCE NG LANGIS PINAHAHANAP NI DUTERTE

DUTERTE-41

INATASAN kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na maghanap ng iba pang mapagkukunan ng langis makaraan ang biglang pagtaas sa presyo nito matapos ang pag-atake sa production facilities sa Saudi Arabia.

Nauna nang nag-anunsiyo ang mga kompanya ng langis kabilang ang Petron, Shell, Seaoil, at iba pang small players na magtataas ng kanilang presyo epektibo ala-6 ng umaga ngayong araw.

Ang presyo ng gasolina ay tataas ng P2.35 kada litro; diesel ay  P1.80 kada litro; at kerosene, P1.75 kada litro.

Bago ang pagtataas na ito, ang pump prices ng mga produktong petrolyo ay tumaas na rin noong Setyembre 6 matapos ang isinagawang drone attacks sa Saudi Arabia’s state-run Armaco’s processing facilities sa Abqaiq at Khurais.

Sa nabanggit na petsa, ang presyo  ng gasolina ay tumaas ng P1.35 kada litro, P0.85 sentimos naman kada litro ng diesel at P1.00 kada litro ng kerosene.

“The President said he ordered the involved agencies to look for other sources of oil to ensure our supply. In other words, he won’t rely (on Saudi Arabia),” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Hihilingin naman ng Department of Energy kay Pa­ngulong Duterte  na magpalabas ng isang executive order upang muling buhayin ang Oil Contingency Task Force na siyang mangangasiwa sa mga posibleng magiging problema sa supply ng produktong petrolyo sa mga darating na panahon.

Ayon kay Panelo, agad namang masusing pag-aaralan ng Office of the President ang isusumiteng proposal ng DOE sa sandaling makarating ito sa Palasyo.  EVELYN QUIROZ