(Idineklara ni Duterte) SAN JOSE DEL MONTE, HIGHLY URBANIZED CITY

Florida Robes

IDINEKLARA na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyudad ng San Jose Del Monte sa lalawigan ng Bulacan na kabilang sa mga “highly-urbanized” o mauunlad na lungsod.

Ipinahayag ito ni Rep. Florida “Rida” Robes nang pasinayaan ang City of San Jose Del Monte Convention Center (CSJDM) sa Brgy. Sapang Palay na batay na rin sa ilalim ng Proclamation No. 1057 na nagdedeklara sa siyudad bilang highly-urbanized at kailangan na lamang pagtibayin sa pamamagitan ng isasagawang plebisito ng mga botante ng lungsod.

Pinangunahan ni Rep. Robes at kanyang kabiyak na si Mayor Arthur Robes ang pagpapasinaya sa kauna-unahang convention center sa lungsod na bahagi ng Build, Build, Build program ng Duterte administration at inaasahang makakaakit sa mga malalaki at maliliit na negosyante bukod pa sa makakatawag ng atensiyon sa mga mamumuhunan na lilikha ng maraming trabaho.

“I am very honored to announce that President Rodrigo Duterte has declared our beloved city a highly-urbanized city. We have long waited for this and we will work more to make us truly deserving of this proclamation for the people of San Jose Del Monte,” pahayag pa ng kongresista sa kanyang pagsasalita sa inagurasyon.

Isinabay rin ni Robes ang kanyang pag-uulat sa pamamagitan ng State of the District Address (SODA) na nagpapahalaga sa programa at plano na kanyang nailatag upang makayanan ang pandemyang dulot ng COVID-19 at iba pang proyektong pangkaunlaran sa siyudad.

Naideklara ng Pangulong Duterte sa ilalim ng Proclamation No. 1057 bilang highly-urbanized city ang lungsod matapos maabot ang bilang ng populasyon sa 200,000 na sinertipikahan ng Philippine Statistic Authority at may kitang aabot sa P50 milyon na sertipikado ng City Treasure

Ang deklarasyon ay batay na rin sa ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panglungsod ng San Jose Del Monte na humihiling sa pangulo na ideklara bilang highly-urbanized ang kanilang lungsod.

Sa kanyang SODA, sinabi ni Robes na patungo na sa pag-unlad ang kanilang lungsod dahil sa implementasyon ng maayos at matatag na programa na magpapabuti sa kabuhayan ng mamamayan ng lungsod. . “Our end-goal, of course, is to improve the quality of life of the people of San Jose del Monte. We have laid the groundwork for that and we are seeing the fruits of our hard work. We are now a city on the rise and I believe that we can push our city further forward through the help and support of our beloved San Joseno,” dagdag pa niya.

Isa na aniya rito ang pagtatayo ng kauna-unahang CSJDM Convention Center sa Activity Center sa Brgy. Sapang Palay na may kapasidad na 1,300 katao sa main ballroom, dalawang malalaking function rooms at apat na conference rooms.

Sabi pa ng kongresista, isang makatotohanang panaginip ang convention center na hihikayat sa industriya ng turismo, kultura at edukasyon, hindi lamang sa mamamayan ng San Jose Del Monte kundi sa buong lalawigan ng Bulacan.

“We are very proud of this convention center because it will showcase who we are and what have achieved so far. We expect it to further boost economic activity in our city and bring our city to new heights of development,” pagtatapos pa ni Robes.

Comments are closed.