(Iginiit ng labor groups) UMENTO SA SAHOD

ILANG progresibong labor groups ang nagtipon-tipon kahapon upang muling ipanawagan ang umento sa sahod at mas mahusay na social services sa pagdiriwang ng ika-160 kaarawan ni Andres Bonifacio.

Ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Genuine Labor Organizations (AGLO), National Confederation of Labor (NCL) at All Workers Unity (AWU) ay nagmartsa mula sa Plaza Sta. Cruz hanggang Liwasang Bonifacio bitbit ang isang streamer na may nakasulat na: “Laban ni Andres Bonifacio ay karugtong ng laban ng uring manggagawa hanggang sa kasalukuyan.”

Ayon sa mga grupo, magmamartsa sila mula sa gates ng Malacañang sa Mendiola, Manila para mag-assemble sa Kalaw Avenue, Manila sa Nov. 30, Bonifacio Day. Ang holiday ay inilipat ng Lunes para sa mahabang weekend ng mga manggagawa, mula Nov. 30 na isa nang regular working day ngayong taon.

Hiniling din ng mga manggagawa ang muling pagtatayo ng National Minimum Wage, pagtuldok sa “contractualization scheme”, at job security.

“Ang mga manggagawa, pawang kontraktual na mas mababa pa ang sahod sa minimum wage ng kada-rehiyon. Napakataas ng presyo ng mga pagkain at serbisyo sa kasalukuyan…Napakarami nating mga kababayan, walang trabaho o kulang sa trabaho,” sabi ni Jerome Adonis ng KMU.

Ayon sa KMU, 12 lamang sa 17 rehiyon ang isinama sa wage hike sa Regional Wage Board, kung saan tatlo ang nakatakdang isama sa December.

Hiniling din ng labor groups ang mas mahusay na social services kabilang ang healthcare, education, at housing sa pamamagitan ng reallocation ng pondo mula sa Maharlika Investment Fund at Confidential and Intelligence Funds.