IMBITASYON NI TRUMP IISNABIN NI DUTERTE

Presidential Spokesman Salvador Panelo-11

POSIBLENG isnabin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni United States President Donald Trump na magtungo ito sa White House.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing na sasagutin ni Pangulong Duterte ang imbitasyon ni Trump na hindi ito makakarating.

Ayon kay Panelo, noon pa man ay wala nang balak na magtungo sa Estados Unidos ang Pangulo.

Ito ay matapos ang planong pag-ban ng US na makapasok sa kanilang bansa ang mga opisyal ng Filipinas na sinasabing nasa likod ng pagpapakulong kay Senadora Leila De Lima.

Gayunpaman, nili­naw ni Panelo na walang masamang tinapay si Pangulong Duterte kay Trump kahit na nilagdaan nito ang $1.4 trillion budget ng US government kung saan kasama ang probisyong posibleng pag-ban sa Filipino government officials na sangkot sa umano’y nasa likod ng pagpapakulong kay Senadora Leila De Lima.

Matatandaang noong 2016 pa unang inimbitahan ni Trump ang Pa­ngulo na bumisita sa Washington.

RELASYON NG PH AT US MAAYOS – DFA

SINIGURO ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nananati­ling maayos ang relasyon ng Filipinas at Estados Unidos.

Sa kabila ito ng usa­pin ng travel ban ng US sa mga opisyal ng pamahalaan na sinasabing sangkot sa pagpapakulong kay de Lima.

Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na normal lamang na magkomento sa mga alituntunin na ipinapatupad ng ibang bansa.

Nilinaw ni Locsin, maganda ang ugnayan nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump.

Idinagdag pa nito, nakasaad sa resolusyon na pag-aaralan ng executive branch ang nasa likod ng anila’y illegal detention kay De Lima.

Subalit iginiit ng kalihim, mas dapat paniwalaan ang Korte Suprema kumpara sa mga politiko ng US Congress.

Nauna rito, inaprubahan ni Trump ang kanilang national budget para sa susunod na taon at kasama rito ang probisyong nagbabawal sa mga opisyal ng gob­yerno na pumasok sa Amerika.

Comments are closed.