(Inaprubahan ng DOLE) P33 MINIMUM WAGE HIKE SA METRO

INAPRUBAHAN ng wage boards ng Metro Manila at Western Visayas ang pagtataas sa minimum wage para sa mga mang- gagawa sa iba’t ibang sektor sa dalawang naturang rehiyon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ng DOLE na ipinalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-NCR ang Wage Order No. NCR-23 noong Mayo 13, 2022.

Sa ilalim ng kautusan ay tataas ng P33 ang daily minimum wage kung kaya ang bagong minimum wage rate ay magiging P570 na para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector, at  P533  sa agriculture sector.

“It is expected to protect around one million minimum wage earners in private establishments in the region from undue low pay. The increase considered the restoration of the purchasing power of minimum wage earners because of the escalating prices of basic goods, commodities, and petroleum products,” pahayag ng DOLE.

Ang huling  wage order para sa mga manggagawa sa pribadong establisimiyento sa NCR ay noon pang Nobyembre 22, 2018.

Gayunman, ang inaprubahang minimum wage hike ay malayo sa minimum wage hike petitions na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Nob.  25, 2019 at ng Metro East Labor Federation (MELF) noong Marso 4, 2022, na kapwa humihiling ng P213 increase, at sa isa pa mula sa Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER) noong Marso 4, 2022 na humihirit ng umento na mula P213 hanggang P250.

Mas mababa rin ito sa  apela ng Trade Union Congress of the Philippines’ (TUCP) na P470 increase sa daily minimum wage sa NCR, na ibinasura ng RTWPB-NCR.

Samantala, sinabi ng DOLE na inaprubahan din ng Western Visayas wage board ang salary increase para sa mga manggagawa sa non-agriculture, industrial at commercial establishments na P55 at P110, ayon sa pagkakasunod, kung kaya ang daily minimum wage para sa mga sektor sa rehiyon ay magiging P450 at P420 na.

Inaprubahan din ng parehong wage board ang P95 umento para sa mga manggagawa sa  agriculture sector sa Region 6 para tumaas ang kanilang daily minimum wage sa P410.

Sinabi ng Western Visayas wage board na naging basehan nila sa salary hike ang kanilang NCR counterpart.