BUMABA ang infrastructure spending ng 16.5% noong Marso, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa kanilang National Government (NG) disbursement report, sinabi ng DBM na ang paggasta para sa infrastructure and other capital outlays ay bumaba sa P83.7 billion noong Marso mula P100.2 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Gayunman, ang March figure ay 33.5% na mas mataas sa P62.7 billion na nagastos noong Pebrero.
“This was mainly attributed to the timing of releases for the Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program (RAFPMP) of the Department of National Defense (DND), as well as payments for completed capital outlay projects of the Department of Education (DepEd),” sabi ng DBM.
Ayon sa DBM, karamihan sa releases sa ilalim ng RAFPMP ay isinagawa noong Enero at ang mga sumunod na releases ay karamihang nakaprograma sa second hanggang third quarters.
Sa kaso ng DepEd, ang big-ticket payables para sa kanilang capital outlay projects ay inaasahang magsisimula ngayong third quarter.
Sa first quarter, ang infrastructure spending ay tumaas ng 7.3% sa P196.7 billion mula P183.2 billion noong nakaraang taon.
Ang infrastructure spending sa first quarter ay mas mataas din sa P195.8-billion program para sa period.
Ayon sa DBM, ang mas mataas na spending ay dahil sa pagpapatupad ng road infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at rail transport foreign-assisted projects ng Department of Transportation (DoTr).