ISA NA LANG SA NUGGETS

NAITALA ni Jamal Murray ang 30 sa kanyang 37 points sa first half at muling nakontrol ng Denver Nuggets ang Western Conference finals sa 119-108 road victory laban sa Los Angeles Lakers noong Sabado ng gabi.

Umiskor si Nikola Jokic ng 15 points sa fourth quarter upang tulungan ang Denver na kunin ang 3-0 lead sa best-of-seven series.

Tumapos ang two-time MVP na may 24 points, 8 assists at 6 rebounds.

Ang Nuggets ay lumapit sa pag-usad sa NBA Finals sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng franchise.

Maaari nilang tapusin ang serye sa Lunes ng gabi sa Game 4 sa Los Angeles.

Wala pang koponan sa kasaysayan ng NBA na nakarekober sa 3-0 deficit para manalo sa series.

Kumubra si Anthony Davis ng 28 points at 18 rebounds para sa seventh-seeded Los Angeles. Nagdagdag si LeBron James ng 23 points, 12 assists at seven rebounds, at nagtala si Austin Reaves ng 23 points at 7 rebounds.

Si James ay 3 of 9 mula sa 3-point range at 3-for-19 sa series.

Tumabo si Kentavious Caldwell-Pope ng 17 points, nagdagdag si Bruce Brown ng 15 at nakalikom si Michael Porter Jr. ng 14 points, 10 rebounds at 6 assists para sa top-seeded Nuggets.

Dinala ni Murray, gumawa ng 23 points sa fourth quarter ng Game 2, ang momentum sa Game 3. Tumirada siya ng 17 points sa first quarter at nagdagdag ng 13 sa second.

Naipasok ng Nuggets ang 50 percent ng kanilang field-goal attempts, kabilang ang 17 of 41 mula sa 3-point range. Kumamada si Murray ng limang tres habang nagsalpak sina Caldwell-Pope at Porter ng tig-apat.

Kumonekta ang Los Angeles sa 45.2 percent ng kanilang attempts at 10 of 32 mula sa arc. Nagdagdag si Rui Hachimura ng 13 points.

Isinalpak ni Hachimura ang dalawang free throws upang bigyan ang Los Angeles ng 94-93 bentahe, may 7:48 ang nalalabi bago sumagot ang Denver ng 13 sunod na puntos.

Pawang gumawa sina Jeff Green, Brown at Murray ng 3-pointers, nagdagdag si Brown ng tip-in at umiskor si Jokic  ng layup at kinuha ng Denver ang 12-point lead, may 4:51 ang nalalabi. Hindi nasustina ng Los Angeles ang pagatake. Nang maisalpak ni Porter ang isang 3-pointer upang ilagay ang talaan sa 117-103, may 1:06 ang nalalabi, naging malinaw sa katahimikan sa arena na hindi maiiwasan ng Lakers ang kanilang unang home loss sa playoffs.

Abante ang Nuggets sa 58-55 sa halftime.

Umiskor si CaldwellPope ng 12 points sa third quarter, kabilang ang tres na nagbigay sa Nuggets ng 81-74 , may dalawang minuto ang nalalabi.

Kasunod nito, ipinasok ni James ang una sa kanyang dalawang 3-pointers sa series makaraang magmintis sa unang 13. Ang dala- wang tres ay naitala sa loob lamang ng wala pang 18 segundo at inilapit ang Los Ange- les sa 83-82, may 25.3 segundo sa period.