PINANGUNAHAN ni UAAP Season 85 athletics MVP Kent Francis Jardin ang Adamson University men’s at women’s team sa pagwalis sa lahat ng walong events sa pagtatapos ng athletics competition sa National Capital Region Leg ng 2023 Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games kahapon sa Philsports Track Oval sa Pasig City.
Humablot sina Jardin at Denmark Dacunes sa dominasyon ng Adamson Soaring Falcons sa Philippine Navy bracket ng tig-tatlong gold medals.
Inangkin ng 19-anyos at 1st year Bachelor of Sports Science student na si Jardin ang mga gintong medalya sa 200m, 4×100 at 4×400 kung saan humulagpos ang pang-apat sana nitong ginto matapos magdesisyon ang koponan na ibigay ang pagkakataon sa kakampi niyang si Dacunes.
Hindi naman ito binigo ng 20-anyos na si Dacunes na inangkin ang ginto sa 100m bago tinulungan ang Soaring Falcons sa titulo ng 4×400, kasama sina John Eric Martir, John Uri Umaday, at Johm Mark Martir, at sa 4×100 katulong sina Jardin, Ralph Anthony Lego at Alexander Padilla.
Hindi naman nagpaiwan ang kababaihan ng Falcons sa pagwawagi sa 100m, 200m, 4x100m relay at 4x400m relay. Winalis ng 18-anyos na si Christine Guergio ang 100m at 200m.
Dumiretso ang koponan ni Guergio sa National Finals sa 4×100, kasama sina Gwyneth Santoluma, Hope Charity Grace Cabuhayan at Samantha Nicole Llesis pati na sa 4x400m, kasama sina Cabuhayan, Llesis at Lea Mae Parea.
Bukod sa walong golds, itinakbo rin ng Adamson ng dalawang silvers.
Sa kampo ng Philippine Air Force, nanguna ang St. Jude College-Quezon City sa women’s 100m, 200m, 4x100m relay at women’s 4x400m relay at sa men’s 4x100m relay.
May tatlong ginto ang Rizal Technological University sa Philippine Army group, habang nagsingit ng dalawa ang City of Malabon University.
CLYDE MARIANO