“ANG mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Dios: nguni’t ang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailan man, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 29:29)
Buhay ang Diyos at gusto Niyang pagpalain tayo. May mga bagay na ukol sa Diyos na hindi natin mauunawaan sa ngayon. Mahiwaga ang mga ito. Ubod nang dakila ang Diyos at hindi kayang maunawaang lubos ng limitado nating isip ang buong kaluwalhatian at kalikasan ng walang-hanggang Diyos na Maylikha. ‘Pag tayo ay nasa presensiya na ng Diyos, saka pa lang natin mauunawaan ang lahat ng katotohanan ukol sa Diyos. Sa ngayon, makuntento na muna tayo sa mga bagay na pinili ng Diyos na ipahayag sa atin. Ang Diyos ay espiritu; hindi Siya kayang makita ng ating mga matang gawa sa laman. Gusto ng Diyos na sambahin natin Siya sa espiritu at sa katotohanan. Ayaw Niyang gumagawa tayo ng mga rebulto para sambahin. Napopoot Siya sa gawaing iyon. Insulto sa Kanya iyon. Kailanman ay hindi kayang tularan ng mga bagay na gawa ng kamay ng tao ang buong kaluwalhatian ng Diyos.
May mga bagay na lihim ukol sa Diyos; subalit mayroon ding mga bagay na pinili ng Diyos na ipaalam sa atin. Ang mga ipinahayag ng Diyos sa atin ay para sa ating kapakinabangan. Gusto ng Diyos na sumunod tayo sa kalooban Niyang ipinahayag sa atin. Isa sa mga ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanang mayroong Diyos. Ang isa pang ipinahayag Niya ay kung paanong yumaman sa malinis na paraan. May uri ng kayamanan na galing sa Diyos at pinagpala ng Diyos. May klase ng kayamanang hindi aprobado ng Diyos; galing ang mga ito sa mga masasamang paraan. Ang mga kayamanang ito ay hindi pinagpapala ng Diyos.
Gumagamit ang Diyos ng maraming paraan para magpahayag ng Kanyang kaloobang dapat nating sundin. May pangkalahatang kapahayagan (General Revelation) at may natatanging kapahayagan (Special Revelation). Ang pangkalahatang kapahayagan ay mga katibayan na mayroong Diyos sa pamamagitan ng Kanyang nilikha o sa kalikasan na makikita ng lahat ng tao sa mundo. Ang maganda at matalinong kaayusan ng sanilikha (creation) ay katibayan ng pagkakaroon ng Diyos. ‘Pag nakakita ka ng bahay, alam mong may matalinong arkitektong nagdisenyo nito. Kung may makikita kang eroplano, alam mong may mga matatalinong inhinyerong nagdisenyo at gumawa nito. Isang kaululan ang makakakita ng isang magandang bahay at magsasabi, “Walang gumawa niyan; basta na lang nangyari iyan.” Isang kagaguhan ang makakita ng eroplano at magsasabi, “Walang nagdisenyo niyan; basta na lang lumitaw iyan mula sa bula.”
Kasama sa pangkalahatang kapahayagan ng Diyos ay ang budhi ng tao. Saan mang lugar sa mundo, sa kapatagan man o sa kabundukan, may konsepto ang mga tao ng tama o mali. May moralidad ang mga tao. May bawal at may pinahihintulot. Nagsasabi ang budhi ng tao na mayroong Diyos na Maylikha; kaya nga sa lahat ng lugar, kahit na sa pinaka-primitibong tribo, may paniwala na may lumikha sa sansinukob. Pandaigdigan ang paniwala na mayroong Diyos na Maylikha.
Ang mga natatanging kapahayagan ay mga katibayan na mayroong Diyos sa pamamagitan ng espesyal na pagkilos o pagpapaalam ng Diyos. Kasama rito ang pagkasi ng Espiritu ng Diyos sa mga propeta para isulat ang “Banal na Kasulatan” o Bibliya. Marami itong mga kapayahagan o hula ukol sa mga pangyayari sa hinaharap at natutupad ang mga ito nang tumpak at eksakto; mahirap maipaliwanag ito. Kasama rin ang pagdating ni Jesu-Cristo, na isang mahiwagang tao. Hinulaan ng maraming propeta ang pagdating niya daan-daang taon bago siya isinilang. May mga anghel sa langit na nag-anunsiyo ng kanyang kapanganakan. Gumawa siya ng maraming kababalaghan – lumakad siya sa tubig, pinagaling niya ang mga may-sakit, binuhay niya ang mga patay, pinatahimik niya ang bagyo, pinarami niya ang mga tinapay at isda para pakainin ang libo-libong mga tao, pinalayas niya ang mga masasamang espiritu, nabuhay siyang muli tatlong araw pagkatapos siyang patayin, umakyat siya sa langit, atbp. Bumaba ang Banal na Espiritu at pinuspos ang mga alagad ni Cristo. Hanggang ngayon may mga milagrong nagaganap sa ibat’t ibang lugar na nagmumula sa mga demonyo at masasamang espiritu. Malinaw sa mga pangyayaring ito na hindi lang basta materyal ang daigdig. May mga espirituwal na kapangyarihang kumikilos sa mundo; ang iba ay mabubuti na galing sa Diyos, at ang iba ay mga masasama at marurumi na galing sa mga demonyo.
Kung paanong may mga puwersang galing sa Diyos at galing sa masama, gayon din may kayamanang galing sa Diyos at may kayamanang galing sa kaaway ng Diyos. Ang kayamanang galing sa Diyos ay sa pamamagitan ng mabubuting paraan tulad ng kasipagan, pagtitipid, pamumuhunan at pagbibigay. Ang masamang kayamanan ay galing sa krimen, pagnanakaw, panloloko at pandaraya.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)