KATAPANGAN NI NINOY KILALANIN-DUTERTE

PANGULONG DUTERTE

HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na pagnilayan at kilalanin ang ipinakitang katapa­ngan at kabayanihan ni dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. bilang pagsasakripisyo sa bansa.

Ito ang naging mensahe ng Pangulo sa paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy  kahapon.

Ayon sa Pangulo, kailangan pa ng Filipinas ang mas marami pang katulad ni Aquino na gagabay para sa mas maayos at maunlad na bansa sa hinaharap.

Dagdag pa ng Pa­ngulo, nawa’y ma­ging gabay rin ng mga kasalukuyang lider ng bansa ang ipinamalas na dedikasyon ni Aquino para sa kapakanan ng mga Filipino lalo na ang mga mahihirap at naaapi.

Ginunita sa iba’t ibang lugar kahapon ang ika-35 anibersaryo ng pagkamatay  ni Ninoy.

Sa Manila Memorial Park (MMP) sa Pa­rañaque City kung saan inilagak sa huling hantungan ang mga labi ni Ninoy ay bumisita ang mga anak ng yumaong dating senador na pina­ngungunahan ni da­ting Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ilang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan.

Dakong alas-11:00 ng umaga nang duma­ting si Noynoy kasabay ang kanyang mga kapatid na sina Ballsy, Pinky at Viel na pawang mga nakasuot ng kulay dilaw na t-shirt upang gunitain ang pagkamatay ng kanilang ama.

Kabilang sa mga gumunita at nagtungo sa puntod ng dating senador ay sina Mar Roxas, Senador Franklin Drilon, Senador Antonio Trillanes, Prospero Alcala, Rogelio Singson at Leah Navarro at ilang mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Noynoy, sa panahon ngayon ay hindi na kailangan pang isakripisyo ang pagbubuwis ng buhay para sa kapakanan ng sambayanan at kinabukasan ng mga Filipino tulad ng ginawa ng kanyang ama.

Dagdag pa ni Noynoy na sa kabilang dako ay nararapat na ang sambayanang Filipino ang gumagawa ng res­ponsibilidad at tahakin ang tamang direksiyon para sa ikabubuti ng ating bansa.

Kaugnay nito, hindi na natuloy ang tradis­yon sa paggunita ng kamatayan ni Ninoy sa mismong tarmac ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon dahil sa ‘di inaasahang pagsadsad ng Xiamen Airlines sa madamong bahagi ng runway noong Agosto 17, 2018.

Sa halip na sa mismong tarmac mag-alay ng bulaklak ang pagdaraos ng tradisyon sa pagkamatay ni Ninoy ay pinangunahan ni da­ting Senador Heherson Alvarez kabilang ang kanyang mga kasamahan ang pag-aalay na lamang ng bulaklak sa monumento ni Ninoy sa harapan ng departure area ng NAIA Terminal 1 dakong alas-7:30 ng umaga kahapon bago nagtungo ang mga ito sa Manila Memorial Park kung saan nakalibing ang da­ting senador. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.