LIGTAS AT MABILIS NA PAGLALAKBAY, INAASAHANG IDUDULOT NG BAGONG CANDABA VIADUCT

MAS LIGTAS at mas mabilis na paglalakbay patungo sa gitna at hilagang bahagi ng Luzon ang inaasahang idudulot ng itinatayong ikatlong Candaba viaduct. 

Ito ay pangungunahan ng NLEX Corporation, isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang tollways unit ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC).

Ang 5-kilometrong Candaba Viaduct ay nagdurugtong sa Bulacan at Pampanga sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX). Mahalagang tulay ito para sa mga motoristang bumibiyahe mula Metro Manila patungo sa gitna at hilagang Luzon sa loob ng mahigit 50 taon na ngayon.

Kamakailan, isang groundbreaking ceremony ang ginanap na pinangunahan nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo, Pampanga Governor Dennis Pineda, Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 Director Roseller Tolentino, MPTC President Rogelio L. Singson, at NLEX Corporation President  at General Manager J. Luigi L. Bautista.

Ang ikatlong viaduct na ito ay may budget na P7.89-bilyon. Kasama na sa istrakturang ito a ng pagtatayo ng bagong tulay sa gitna ng dalawang nakatayong viaduct at target na makumpleto sa Nobyembre 2024. Kapag nakumpleto na, madadagdagan nito ang kapasidad ng buong Candaba Viaduct na mula sa orihinal na tatlong lane ay madadagdagan pa ito ng tatlo pang lane na may mga inner at outer shoulder lane sa magkabilang direksyon.

Ayon kay Rogelio L. Singson, MPTC President at CEO, “This project will not only increase the capacity of the 5-km Candaba Viaduct but will ultimately improve safety and convenience of the motorists, as well as aid in the acceleration and growth of trade and commerce in Central Luzon.”

Binigyang-diin din ni House Speaker Martin Romualdez ang kahalagahan ng bagong tulay sa sandaling makumpleto ito, dahil inaasahang maiibsan ang pagsisikip ng trapiko at mababawasan ang oras ng paglalakbay ng mga motorista na dumaraan sa Candaba Viaduct araw-araw.

“This project will not only enhance the efficiency of our transportation network but also contribute to the overall socioeconomic development of the region. It will create jobs, attract investments, and stimulate economic growth,” ani Romualdez.

Itatayo ang ikatlong Candaba Viaduct sa tulong ng makabagong teknolohiya at mga sustainable engineering practice na sumusunod sa pinakabagong pamantayan sa pagdidisenyo ng mga tulay. Magkakaroon ito ng mga pier sa bawat 20 metro na susuportahan ng dalawang column at dalawang bored piles na magpapatibay sa nasabing istraktura.

Tiniyak din ni NLEX Corporation President at GM Luigi Bautista na hindi makakaapekto ang konstruksyon ng bagong tulay sa operasyon at sa daloy ng trapiko ng kasalukuyang nakatayong dalawang viaduct. Batay sa mga pag-aaral, ang pagtatayo ng ikatlong viaduct ay kinakailangan dahil ang kasalukuyang mga istraktura ay matanda na at tumatakbo sa mas mababang kapasidad.

Ayon pa rin kay Bautista, “This new mobility project will offer easy journeys and make travel safer for the public traveling between Metro Manila and Central and North Luzon as there will be a new structure to augment the existing ones and will safely allow the speed limit to increase to 60 to 80 kilometers per hour from the current 40 to 60 kilometers per hour.”

Ani Bautista, kapag natapos na ito, ang mga Class 3 vehicles o mga malalaking truck ay padadaanin na sa bagong tulay.

Mula taong 2005, ina-upgrade na ng nasabing tollway company ang viaduct. Kabilang sa mga upgrades na ginawa ay ang pavement resurfacing, bridge link slab, girder at deck replacement, pagpalakas ng girder at column at konstruksyon ng lay-bys o emergency stop sa northbound at southbound direction ng tulay.

Nitong 2020, sinimulan na ring magpatupad ng mas mahigpit na anti-overloading na patakaran tulad ng 33-ton gross vehicle weight limit para sa southbound viaduct upang matiyak ang kaligtasan at katatagan ng tulay.

Sa mga proyekto tulad ng ikatlong Candaba Viaduct, makakaasa ang mga motorista ng mas higit pang mga pagpapabuti sa kalidad ng kalsada at serbisyo sa kahabaan ng NLEX. Ang lahat ng mga proyektong ito ay may isang layunin—ang matiyak ang lubos na kaginhawahan at kaligtasan ng lahat ng mga motorista na bumibiyahe sa gitna at hilagang Luzon sa pamamagitan ng NLEX.