MATAPOS kastiguhin ng mga loyal Noranians si Lotlot de Leon sa hindi pagpapakita sa surprised family reunion sa bahay ng kanilang inang si Nora Aunor, isa lamang ang sinabi ng aktres. “Noted po.”
Nitong January 8, 2022, sinorpresa nina Ian, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon ang kanilang ina sa isang post Christmas party at si Lotlot lamang ang kulang sa nasabing family gathering. Matagal nang may tampuhan sa pagitan nina Lotlot at Nora ngunit hindi nila ito gaanong ipinagsasabi.
Gayunman, katakut-takot na sermon ang inabot ni Lotlot sa mga netizens. Matigas daw ang puso ng ina ni Janine Gutierrez dahil natiis niya ang Superstar kahit Pasko naman. Ayon pa sa netizen, sana raw ay hindi gawin kay Lotlot ng kanyang mga anak ang ginagawa nito kay Nora. May nagpaala-ala pa ritong ampon lamang siya at kung hindi siya inampon ni Ate Guy ay wala ito sa kalagayan niya ngayon.
Ipinagtanggol naman si Lotlot ng kanyang supporters, dahil sa pagkakilala umano nila sa aktres ay may mabuti itong puso. Hindi umano alam ng mga humuhusga kung ano ang dahilan kung bakit hindi nakarating si Lotlot kaya hindi siya dapat husgahan. – KNMartin