LOYALTY CHECK ‘DI  NAGUSTUHAN, PULONG DUTERTE NAGBITIW SA PUWESTO SA KAMARA

Paolo Duterte

PARA kay Davao Rep. at Presidential son Paolo “Pulong” Duterte hindi maliit na bagay ang ginawang isyung loyalty check sa kanya ng ilang mga kaalyado sa House Majority kaya naman sa halip na manatili sa puwesto ay nagdesisyon itong magbitiw bilang Chairman ng House Committee on Accounts, ang pwestong ibinigay sa kanya ni Marinduque Rep.  Lord Allan Velasco nang maupo ito bilang House Speaker.

Noong nakaraang Linggo pa maugong na nagpaalam si Pulong kay Velasco na iiwan na ang makapangyarihang komite ngunit patuloy umanong hinihilot ng mga kaalyado ni Velasco ang galit ng mambabatas.

Sa sesyon noong Lunes sa Kamara, Nobyembre 23, nag-abang din ang mga nagkokober na reporters sa kumalat na impormasyon na ihahayag na ni Pulong sa Plenary ang kanyang pagbibitiw subalit hindi nangyari, ayon sa isang kongresista na ayaw magpabanggit ng pangalan ito ay dahil patuloy na tinatanggihan ni Velasco ang pagbibitiw ng una.

Ang desisyon ni Pulong na iwan ang Accounts Committee ay resulta ng kontrobersiyal na eksena sa selebrasyon ng kaarawan ni Velasco noong Nobyembre 9. Sa nasabing pagtitipon ay sinabihan ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin si Pulong sa harap ng mga kaalyado nila na “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng puwesto”, ang insidente ay humantong sa komosyon at awatan.

Hindi nagustuhan ni Pulong ang biro at sa nagviral na viber message na ipinadala nya sa Viber group ng mga kongresista ay sinabi nitong didistansya na siya sa ruling majority matapos na rin makuwestiyon ang kanyang loyalty, at ang tinuturing nitong pagdistansya ay ang pagbitiw nga sa posisyon.

Ibinunyag pa ng source na para hilutin si Pulong ay itinalaga pa ni Velasco ang malapit nitong kaibigan na si House Committee on Appropriations Chairman at siya ring caretaker ng Benguet na si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap  na maging Vice Chairman ng House Committee on Accounts.

Ang House Committee on Accounts ay tinuturing na “plum” position sa Kamara, ang nasabing panel ang in-charge sa internal budget ng chamber kaya tanging ang pinagkakatiwalaan at handpicked ng Speaker ang itinatalaga rito, matatandaan na sa term sharing agreement sa Speakership sa pagitan nina Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ay ito lamang ang tanging leadership post na kanilang napagkasunduang papalitan.

Aminado ang ilang mambabatas na kung tuluyang didistansya si Pulong sa Mayorya sa Kamara ay katumbas na rin ng pagkawala ng suporta ng administrasyon.

Nabatid na bigo rin si Velasco na makuha ang suporta ng Nacionalista Party(NP) sa Kamara nang tanggihan ni Las Pinas Rep. Camille Villar ang alok nitong posisyon bilang Deputy Speaker, ang bilyonaryong si dating Sen. Manny Villar ang Pangulo ng NP.

Tahimik at tumangging magbigay ng komento si Velasco sa silent war sa pagitan ng kanyang mga kaalyado gayundin ay tahimik ang Speaker sa mga naging expose ni Sen. Panfilo Lacson na nagdedetalye sa ginawang budget insertions sa 2021 national budget ng Kamara na nangyari nang mapalitan ang House Leader.

‘Pagpalit ng liderato, napansin namin, halimbawa sa NEP (National Expenditure Program), yung isang distrito nasa mga P9 bilyon. Siguro medyo matibay yung distrito na yun, paglabas ng GAB, under the new leadership, umabot pa siya ng P15 billion. Merong distrito din na nasa P4 or P5 billion, paglabas ng GAB, nadagdagan pa ulit ng another P4 or P5 billion, naging halos P8 billion na. So nakakagulat talaga,” nauna nang pahayag ni Lacson.

Ilan sa tinukoy ni Lacson na may malaking infrastructure budget ay isang distrtito sa Davao na may P15.351B budget; sa Albay ay P7.5B, sa Benguet ay P7.9B habang sa Abra ay P3.75B.

Ayon sa isang political analyst na si Vic Endriga na kung hindi mapagkakaisa ni Velasco ang Kamara ay namumuro na ang “coup” at isa sa nais na iupo ng mga mambabatas ay si House Majority Leader at president ng Lakas-NUCD Martin Romualdez o si NUP President at Dasmarinas Rep. Elpidio Barzaga, marami rin mga netizen ang nagbanggit sa pangalan ni Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta na maaring humalili sa puwesto.

Comments are closed.