MAHARLIKA FUND MAAARING PONDOHAN NG POSIBLENG KITAIN SA PANUKALANG PAGBEBENTA NG NON-PERFORMING GOV’T ASSETS

WALANG humpay ang init ng kontrobersiyang bumabalot sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Hanggang ngayon, marami ang nagdududa. ‘Di rin naman natin sila masisisi dahil nang simulan ang pagsusulong nito, maraming loopholes o butas na puwedeng pasukan ng korupsiyon o anumang uri ng anomalya.

Pero sa pagdating ng mga araw, nagkaroon ng mga pagbabago na maaaring maging katanggap-tanggap, lalo na ang mga bagong panukala ng gobyerno para sa pagsasabatas ng MIF.

Sa pagpasok ng linggong ito, simula na ng pagdinig sa MIF sa Senado sa ilalim ng Committee on Banks ni Sen. Mark Villar. May mga kumuwestiyon sa pangyayaring ito – bakit daw sa komite pa ni Sen. Villar at hindi sa komite ng ibang senador. Malinaw ang isinasaad ng hurisdiksiyon ng senador. Dahil kung ang usapin ay may kaugnayan sa equities, financial instruments at mutual funds, ito talaga ang komite na dapat duminig sa isyu ng Maharlika Investment Fund.

Sabi kasi ng ilan, dahil considered government corporation ang Maharlika, dapat, sa Senate committee na may kinalaman daw sa government corporations ang duminig dito.

Maituturing mang isang government corporation ang MIF, hindi naman ito simpleng government corporation. Nilikha ito para makapag-invest ng financial instruments na siyang pangunahing layunin ng sovereign wealth fund, at ito ang pangunahing karakter para maipasok sa committee on banks.

May nagtanong sa atin kung wala raw bang magiging kolaborasyon ang komite ni Sen. Villar sa Committee on Finance na pinamumunuan natin at sa iba pang komite na may kinalaman sa pananalapi — may kaukulan pong panahon ang mga senador para makapagbigay ng komento ukol sa MIF. Ito ay sa panahon ng plenary debate o maging sa kasagsagan ng committee debate.

Kumpara sa mga naunang bersiyon ukol sa pagpopondo sa MIF, sa tingin natin, mas mainam ang bersiyon sa Mataas na Kapulungan.

Sa mga naunang proposisyon kasi, gagamitin ang mga pensiyon ng GSIS at SSS para pondohan ang Maharlika Fund. Sa bersiyon ng Senado, kabilang sa ipopondo rito ay ang mga dibidendong magmumula sa Landbank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP). Dagdag pa riyan ang pondo mula sa Pagcor. So, hindi magagalaw ang mga pensiyon dahil talagang nakakatakot ‘yan, sa totoo lang. ‘Yun ang ikinaganda ng Senate version. Pero sigurado namang mare-reconcile ang mga sanga-sangang argumento para matiyak na walang lusot ang katiwalian dito.

Iba’t ibang panukala ang lumutang para masigurong ligtas ang gagamiting pondo sa MIF mula sa anumang uri ng katiwalian o anomalya. Isa na nga riyan ang pagbebenta sa mga non-performing government assets. At suportado po natin ito. Kasi, tinatawag ngang assets pero hindi naman kumikita at tadtad pa ng kontrobersya ng korupsiyon, mas mabuti pa nga sigurong ibenta na lang ang mga ito sa pribadong sektor.

At tayo ay umaayon sa pahayag ni Sen. Grace Poe, na gawing transparent ang bentahan ng assets. Dapat kasi, alam din natin ang kredibilidad ng buyer para iwas kontrobersiya na naman. At dapat, masiguro na ang kikitain sa bentahan ay didiretso talaga sa dapat puntahan nito.

Sa mga ganitong kakomplikadong usapin, na pinagdududahan ng marami, kailangang maging maingat ang mga kinauukulan.

Layunin ng programa na maging kapakinabangan ito sa publiko kaya dapat nating tiyakin na naiintindihan ito ng lahat at hindi masasayang ang pondong nakalaan para sa mamamayan.