MAHARLIKA INVESTMENT FUND, DAPAT MAY MGA LIMITASYON AT KAILANGANG DUMAAN SA MATINDING PAGHIHIMAY AT PAGBUSISI

KONTROBERSIYAL sa dilang kontrobersiyal na isyu ngayon ang Maharlika Investment Fund. Bakit kontrobersiyal? Marami ang natatakot na baka mapunta lang sa katiwalian ang pera ng taumbayan pag nagkataon.

Sa totoo lang, hindi naman natin maaalis sa mga kababayan natin, lalo na sa mga pensyonado at may perang nakalagak sa gobyerno ang mga agam-agam at pag-aalinlangan. Baka nga naman magalaw ang mga pinaghirapan nilang kontribusyon, eh napakasakit nga naman nito sa damdamin.

Sa isang panayam sa atin nitong nakaraang araw, tinanong tayo kung ano ba ang masasabi natin ukol dito. Ang tingin po kasi natin, ang pag-i-invest ng pension funds ay masasabing “high-risk, high-reward activity.” Kumbaga, malaki nga ang balik ng pera mo, pero may posibilidad ding malugi ang investment.

Sa ganitong kakomplikadong usapin sa pera, dapat maging doble ang pag-iingat natin dahil trust funds ang pinag-uusapan dito. Pinaghirapang pera ng tao. Bibigyang-diin lang natin – dapat may mga limitasyon sa kung ano lang ang puwedeng gamiting pera ng gobyerno.

May mga nagsasabi, bakit daw ba tayo takot na takot, eh ‘yung mga bansa nga tulad ng Norway at Qatar, may ganyan din. Ang masasabi ko lang, mayayamang bansa po ang mga ‘yan kaya meron silang ‘room for adventures’. Ikukumpara ba natin sila sa bansa natin na nasa kategoryang 3rd world?

May kakayahan ang mga bansang iyan sa kanilang sovereign wealth funds dahil maaari nilang magamit ang mga kinikita nila sa kanilang mga produktong petrolyo. Dito sa atin, ang GSIS, SSS funds ay ginagarantiyahan ng gobyerno, ginagarantiyahan ng mga taxpayer at pinopondohan ng mga employer-employee contributions. Dun papasok ‘yung possible risks.

Base sa panukala, halagang P275B ang ipupuhunan sa Maharlika Investments Fund. At ang halagang ito ay kukunin sa government financial institutions na kinabibilangan ng dalawang pension funds (bagaman nagpahayag na si Congw. Stella Quimbo na isa sa mga proponent ng MIF bill na hindi na isasama ang GSIS at SSS dito) at dalawang bangko. Makatutulong daw kasi ito nang malaki sa layunin ng administrasyong Marcos na iahon ang ekonomiya ng Pilipinas at muli itong palakasin.

Ang sabi ng ibang mga may kaalaman tungkol sa ganitong usapin, wala kasi sa tamang panahon o timing itong panukalang ito.

Siguro, dahil nga naman sunod-sunod ang dagok na inabot ng bansa natin tulad ng pandemya. Pero kung ako ang tatanungin, puwede namang pagdebatehan ang tungkol sa MIF. Kasi, sa pagdedebate, d’yan natin mahihimay o masusuri hanggang sa kaliit-liitang detalye itong panukalang ito.

Kapag nagawa natin ‘yan, lalabas at lalabas kung ano man ang posibleng panganib o kung anuman ang posibleng kagandahan nito.

Sa ngayon kasi, dahil mahigit dalawang taon na nang talagang padapain tayo ng pandemya, sa ngayon, medyo nakakabawi na tayo kahit pa’no, lalo na ang ating ekonomiya. At dahil unti-unti nga tayong bumabangon, dapat maging maingat ang gobyerno sa anumang mga aksyon na gagawin nito na may kinalaman sa ating estadong pinansyal.