SA pagkamit ng layunin, pangarap, o ano pa mang adhikain, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na plano at episyenteng sistemang magiging gabay sa pagsasakatuparan nito. Ang bawat layunin ay dapat may angkop na mga hakbang at istratehiya kung paano aabutin. Sa ganitong paraan, mas napabibilis ang proseso at mas madaling matukoy kung aling bahagi ng sistema ang kailangang baguhin o palakasin.
Isang magandang halimbawa rito ang industriya ng isports kung saan madaling makita kung paano nagiging pangunahing susi sa pagkamit ng tagumpay ang pagkakaroon ng sistematikong pagpapalakad sa isang koponan. Sa katunayan, madaling matukoy kung anong mga koponan ang mayroong episyenteng sistema sa industriya. Ito ang mga koponang palagiang namamayagpag at patuloy na nananalo gaya ng Lady Spikers, ang women’s volleyball team ng De La Salle University (DLSU).
Sa loob ng nakaraang mahigit dalawampung taon ng paglahok sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), dalawang season lamang hindi pumasok sa Finals ang Lady Spikers. Mula Season 61 hanggang sa kasalukuyan, 12 beses na silang tinanghal na kampeon sa women’s volleyball kabilang na ang katatapos lamang na Season 85.
Hindi kataga-takang itinuturing bilang isa sa mga pinakamahusay na koponan ang Lady Spikers. Sa bawat kompetisyong kanilang sinasalihan, kitang kita ang maayos at organisadong paghahanda ng koponan, hindi lamang ng mga manlalaro kundi pati na rin ang miyembro ng coaching staff nito. Malinaw sa bawat miyembro ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
Sa aking personal na opinyon, ang tunay na sukatan ng pagiging mahusay na koponan ay ang pagiging mahusay at episyente ng sistema nito. Bagamat mahalaga ang pagkuha ng magagaling na manlalaro at mahuhusay na mga miyembro ng coaching staff, hindi pa rin dapat naka-depende sa isa o ilang tao ang pagkamit nito ng tagumpay.
Paano na lamang kung mawala ang superstar ng isang koponan o ang magaling na coach? Kung naka-depende sa isa o dalawang miyembro ang tagumpay ng koponan, ito ay nangangahulugan na mayroong hangganan ang pagkamit nito sa kanilang mithiin.
Sa kabila nito, hindi rin maitatanggi ng kahit sino ang malaking kontribusyon ni Coach Ramil de Jesus sa tagumpay ng Lady Spikers. Mula nang umupo siya bilang coach ng koponan, naging tuluy-tuloy na ang mahusay na performance nito. Kita naman sa resulta ng torneyo nang muling tanghalin bilang kampeon ang Lady Spikers.
Ito ay isa nanamang patunay sa napakahusay na sistema ng koponan. Dahil sa organisadong operasyon ng management nito at sa mahusay na training program para sa mga manlalaro, muling nakamit ng grupo ang inaasam na resulta nito.
Ang pagkakaroon ng episyenteng sistema ay isang uri ng mahusay at matatag na istratehiya kung saan sinuman ang ilagay sa isang posisyon, mananatiling maayos ang takbo ng koponan. Ito ay isang bagay na mayroon ang Lady Spikers kaya naman kahit sino ang kanilang maging manlalaro, patuloy nilang nakukuha ang kanilang inaasam na resulta. Ang tagumpay na halos taun-taong tinatamasa ng Lady Spikers ay sapat na bilang patunay sa husay ng sistemang gamit nila bilang patnubay.
Kita sa bawat manlalaro at sa karakter ng koponan ang disiplinang kanilang taglay. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang disiplina ay isa sa mga pundasyon ng pagiging mahusay na atleta. Bilang resulta, patuloy silang nagiging inspirasyon sa kapwa nila manlalaro at sa mga tagahanga ng isports na volleyball, lalo na sa mga kabataan dahil hindi lamang mga kapwa Lasalista ang sumusubaybay sa koponan.
Ang pagkakaroon ng istratehiya at mahusay na sistema ay isang mahalagang sangkap sa pagkamit ng tagumpay hindi lamang sa larangan ng isports kundi maging sa lahat ng aspeto ng buhay. Bukod sa pagtamasa sa tagumpay, nagiging daan din ang pagkakaroon ng mahusay na sistema upang maging magandang halimbawa sa iba. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang tagumpay ng Lady Spikers at mahikayat tayong maglatag ng mahusay na sistema para sa pagkamit natin sa ating pansariling mga adhikain at pangarap.