INAASAHANG ieendorso na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kandidato ng PDP-Laban Cusi Faction sa isasagawang campaign rally ng partido sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sakaling matuloy, ang Cebu, na vote-rich province, ang magiging una sa dalawampung lugar na bibisitahin ni Pangulong Duterte upang suportahan ang kanyang mga kaalyado na kumakandidato sa iba’t ibang posisyon.
Ayon kay PDP-Laban Secretary-General at Cabinet Secretary Melvin Matibag, magiging prayoridad sa pagbisita sa Cebu ng pangulo ang proyekto ng Anti-Insurgency Task Force ng gobyerno.
Gayunman, wala pang katiyakan kung i-eendorso na ng Punong Ehekutibo sina presidential aspirant at dating senador Bongbong Marcos maging ang running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Aminado si Matibag na ayaw niyang pangunahan ang magiging pasya ni Pangulong Duterte.
Si Duterte ang Chairman ng PDP-Laban Faction na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi. DWIZ882