PARAMI nang parami ang mga eksperto sa larangang medikal na patuloy sa paghahanap ng mas maganda at mas maayos na trabaho sa ibang mga bansa kung saan may mas malaking suweldo at mas maraming benepisyo.
At sa gitna ng pandemya kung saan kinakailangan ang mga ekspertong ito para sa ating pagbangon, ang kanilang pagnanais na iwan ang kanilang bayan para sa mas maayos na pamumuhay ay isang hindi magandang balita para sa atin.
Sa kabilang banda, hindi natin sila masisisi sa kanilang desisyon dahil kung tutuusin, bukod sa kanilang pagod sa pagsisilbi sa ating bansa upang puksain ang COVID-19 ay mayroon din naman silang mga pamilyang dumedepende sa kanila. Hindi ba’t nararapat lang na ang kanilang pagod ay masuklian nang tama?
Noong Huwebes nga lamang, inanunsiyo ni Jose Manuel Romualdez, ambasador ng Pilipinas sa Estados Unidos, na nasa 100,000 na health workers ang kasalukuyang naghihintay na maaprubahan ang kanilang work visa para sa kanilang inisyal na deployment, dahil na rin sa pangangailangan ng kanilang bansa ng mas maraming nurse dulot ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nasaksihan na rin natin ang mga nakaraang taon kung saan kinailangang limitahan ng pamahalaan ang pag-alis ng mga ekspertong ito upang hindi maantala ang pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya.
Isa lamang naman ang ugat nito—ang mababang pasahod at kakulangan sa benepisyo sa kabila ng matinding panganib sa kanilang mga buhay.
Kaya naman ito ang isa sa mga pangunahing isinusulong ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr. sa ilalim ng kanyang programang “Tawid Covid, Beyond Covid.”
Sa ilalim nito, itinutulak ni Ginoong Marcos ang mas mataas na healthcare budget, suweldo, at benepisyo para sa mga medical frontliner bilang bahagi ng kanyang programa sa pagbangon mula sa pandemya.
Isa pa sa mga nais isulong sa programang ito ay ang higit pang suporta sa medical research upang mas mapabilis ang pagpuksa sa mga pandemya.
Ayon din kay Marcos, kinakailangan ding paigtingin ang National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng Unibersidad ng Pilipinas. Dapat din umanong gumawa ng sariling bakuna ang Pilipinas.
Sa ilalim ng liderato ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ay naitayo ang mga specialized hospitals tulad ng Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Childrens Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute, gayundin ang pagpapalawig ng barangay centers sa bansa.
Matagal na panahon nang dapat ibinigay ito ng gobyerno sa ating mga medical worker, ngunit hanggang ngayon ay tila ba suntok sa buwan pa rin ito para sa kanila.
Bilang pasasalamat man lang sa nagawa nila sa ating bayan, pagtulungan natin itong isulong para sa kanila.
May ilan nang mga mambabatas ang nagsulong ng kani-kanilang bill para itaas kahit papaano ang special risk allowance (SRA) para sa mga medical frontliner. Isa na rito ang “Special Risk Allowance for All Health Workers Act of 2021” na nais itaas sa hanggang 25 porsiyento ng basic allowance ang SRA para sa mga health worker.
Isinusulong din ng bill na ito na i-exempt ang SRA sa mga buwis.
Mismong si Pangulong Duterte na rin ang nagsabi na kailangang itaas ang allowance para sa mga health worker.
Maliit na bagay pa rin ito kung tutuusin. Ang trabaho ng ating mga medical frontliner ay higit pa sa ating iniisip. Kaya bago pa man matapos ang administrasyong ito, sana ay maisakatuparan na ang mas mataas na benepisyong ito para sa kanila, dahil kung hindi dahil sa ating mga medical frontliner, hindi makakabangon ang ating bansa at ekonomiya mula sa pandemya.