MERALCO KAISA SA PAGSUSULONG NG PAMPUBLIKONG KALIGTASAN

Ang bagong tayong fire sub-station ng Meralco ay patunay sa dedikasyon ng ­kumpanya na itaguyod ang pampublikong kaligtasan sa pamamagitan ng ­pagpapalakas ng kapasidad nito sa emergency response.

 

ANG PAGSIGURO sa kaligtasan ng publiko ay isa sa mga ­pangunahin at ­pinakamahalagang responsibilidad ng pamahalaan. ­Bukod sa ­pagpapanatili ng ­kaayusan sa mga ­komunidad at aktibong ­paglulunsad ng mga ­programang ­naglalayong makaiwas sa mga ­panganib gaya ng krimen, ­aksidente, at mga ­kalamidad, ­mahalaga rin ang pagsiguro na ­mayroong sapat na kapasidad ang mga sangay nito na agarang ­umaksyon sakaling mangyari ang mga ito.

Sa usapin ng pampublikong kaligtasan, napakahalaga ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at mga miyembro ng pribadong sektor.

Bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, batid ng Manila Electric Company (Meralco) ang kahalagahan ng pakikiisa sa mga ahensya ng pamahalaan na inatasang magsulong ng pampublikong kaligtasan gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Kaugnay nito, sa tulong ng BFP, pinaigting ng Meralco ang kapasidad ng emergency response ng kumpanya sa pamamagitan ng pagpapatayo ng sariling fire sub-station sa loob ng headquarters nito sa Pasig. Kasalukuyan itong nagsisilbing headquarters ng Me­ralco Rescue Fire Brigade. Dito rin nakalagak ang mga fire truck, water tanker, rescue tender, at mga rescue boat ng kumpanya. Dito rin isasagawa ang pagsasanay ng mga bumbero at ng mga miyembro ng rescue team.

Kita sa larawan ang pag-responde ng dalawang miyembro ng Meralco Rescue Fire Brigade sa insidente ng sunog.

Mas mapapadali ang pakikipag-ugnayan ng BFP sa Meralco sa tuwing mayroong insidente ng sunog. Sa pamamagitan ng communication system sa bagong fire sub-station, mabilis maabisuhan ng BFP ang Meralco kung kailangang patayin ang linya ng kur­yente sa mga lugar ng sunog.

“Ito ay patunay sa pagpapahalaga ng Meralco sa aming mandatong magsilbi sa komunidad at sa mga customer. Kaisa ang lahat ng aming empleyado, kabilang ang Meralco Rescue Fire Brigade, kami ay nakatuon sa pagseserbisyo sa publiko at sa Pamil­yang Meralco,” pahayag ni Me­ralco President at CEO Atty. Ray C. Espinosa.

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng Memorandum of Agreement na pinirmahan ng Meralco at BFP noong nakaraang taon. Nakasaad din sa naturang kasunduan ang pagbuo ng Meralco ng sariling fire brigade team na sasailalim sa pagsasanay ng BFP. Kabilang sa responsibilidad ng brigada ang agarang pag-responde sa mga insidente ng sunog hindi lamang sa kalapit na komunidad, kundi sa mga lugar na sakop ng prangkisa ng Meralco.

Lingid sa kaalaman ng publiko, kinakailangang makarating sa lugar ng insidente ng sunog ang mga bumbero sa loob lamang ng lima hanggang pitong minuto. Bukod sa mga “wang-wang” na nakakabit sa mga trak, malaking tulong din ang kapabilidad ng brigada sa pagsiguro na pasok sa itinakdang oras ng pag-responde ang pagdating ng mga bumbero.

Bilang papuri sa bagong tayong Meralco fire sub-station, ipinahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na magiging malaking tulong ito sa lungsod ng Pasig at sa BFP. Binigyang diin din niya na, kasama ang BFP, aktibo nang rumeresponde sa mga insidente ng sunog ang Me­ralco Rescue Fire Brigade.

Sa katunayan, mula Nob­yembre 2022, bago pa man opisyal na pinasinayaan ang Meralco fire sub-station noong Marso, nagsimula na ang 24/7 na operasyon ng brigada. Binubuo ng sampung em­pleyado ng Meralco mula sa Facilities, Safety, and Security Management Office nito at siyam na miyem­bro ng BFP, makailang ulit nang tumulong mag-apula ng sunog ang brigada. Isa sa mga nirespondehan kamakailan ng Meralco Rescue Fire Brigade ang insidente sa Sta. Ana, Manila na idineklarang nasa 3rd alarm, kung saan isang bahay at isang commercial na gusali ang nasunog.

Sa pangunguna ng mga opisyal mula sa Meralco, BFP at lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasig, ­binendisyunan at pinasinayaan ang Meralco Fire Sub-Station. ­Makikita sa larawan (L-R) sina Meralco Vice ­President and Head of ­Facilities, Safety, and Security Management Engr. Antonio M. Abuel Jr., Pasig City Fire Marshall Supt. Elaine ­Evangelista, Bureau of Fire Protection Chief Fire Director Louie S. Puracan, Pasig City Mayor Hon. Victor Ma. ­Regis “Vico” N. Sotto, Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa, Meralco Chairman Manuel V. Pangilinan, Pasig City District ­Representative Hon. Roman T. Romulo, Pasig City Administrator Atty. Jeronimo U. Manzanero, and ­Department of Interior and Local Government City Director Visitacion C. Martinez, CESO.

Umaasa si Meralco Vice President at Head of Facilities, Safety, and Security Management Engr. Antonio M. Abuel Jr. na sa pamamagitan ng kahusa­yang ipinamamalas ng Me­ralco Rescue Fire Brigade, magiging kampante ang kalooban ng mga empleyado na handa ang kumpanya sa pagharap sa mga hindi ina­asahang insidente at mga kalamidad na maaaring tumama sa mga lugar na sakop ng prangkisa ng Meralco.

Patuloy ang brigada sa pagpapaigting ng kahusayan at kaalaman sa pamamagitan ng pagsailalim sa mga pagsasanay. Hinihikayat din ng mga miyembro ng brigada ang iba pang empleyado ng kumpanya na sumali at ma­ging bahagi ng grupo.

Bukod sa mandato ng Meralco na maghatid ng maaasahang serbisyo ng kuryente sa 7.7 milyong customer nito, patuloy din ang pakikiisa nito sa pamahalaan sa pagsusulong ng pampublikong kaligtasan.

Ayon kay Meralco Chairman Manuel V. Pangi­linan, isang karangalan para sa Meralco ang itayo ang pasilidad na ito hindi lamang bilang pahagi ng mga panga­ngailangan ng kumpanya rito sa Ortigas kundi upang maghatid din ng serbisyo publiko sa mga mamamayan ng Pasig at sa mga kalapit na komunidad nito.