INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa-isa na niyang sinusuri ang mga kaibigang kakandidato sa pagkasenador sa 2019 elections. Sa kanyang talumpati kamakalawa sa Cagayan De Oro City, sinabi ng Pangulo na ilalabas niya ang kanyang senatorial line up pagkatapos ng Pasko.
Nangako ito na sasamahan niya para mangampanya sa iba’t ibang lugar ang mga kandidatong napisil nito.
Ibinunyag nito na may mga kaibigan na siyang lumapit sa kanya at nagpapaendorso, ngunit humingi ng paumanhin ang Pangulo at sinabi umano nito na hindi niya kailanman ieendorso at ikakampanya ang mga kaibigan na may masamang rekord lalo na ang mga nasangkot sa korupsiyon.
Malinaw ang polisiya ng Pangulo na tanging ang mga kandidato lamang na may competence o kakayahan, kapasidad at kuwalipikado ang kanyang susuportahan.
Iginiit nito na ayaw niyang matapos ang kanyang karera sa politika na may bahid ng masamang rekord at may masasabing negatibo ang tao lalo na sa isyu ng korupsiyon.
Hiniling ni Duterte na suportahan ang kanyang mga ieendorsong kandidato.
Nagbiro pa ang Pangulo na wala siyang magagawa kung iboboto pa rin ng taumbayan ang mga kagaya ng Magdalo o ni Senador Antonio Trillanes IV na walang ibang ginawa kundi ang manggulo at ang akala sa sarili ay mas matalino sa lahat.
Comments are closed.