CAVITE – PATAY ang dating hepe ng Taguig Station Drug Enforcement Unit (SDEU) habang sugatan naman ang asawa at anak nito nang ratratin ng mga armadong kalalakihan sa intersection ng Lakersfield Subd at Alapan Road sa Brgy. Alapan 1-B, Imus City, Cavite kahapon ng umaga.
Napuruhan sa ibat ibang bahagi ng katawan si P/Captain Ariel Ilagan, 48-anyos habang ang misis nitong si Mary Grace Ilagan, 48-anyos at anak na si Audrey Gale Ilagan, 20-anyos ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang braso at kaliwang hita kung saan ginagamot ngayon sa Our Lady of Pillar Hospital.
Sa inisyal na ulat ni Police Corporal Jessie Villanueva na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, magkakasama sa Toyota Fortuner na may plakang AAO 5161 ang mga biktima mula sa kanilang bahay sa Lakersfield Subd., Brgy. Toclong, Kawit, Cavite.
Ihahatid sana ng biktima ang kanyang misis sa pinapasukang opisina sa Manila International Airport Authority (MIAA) nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng M16 rifle pagsapit sa nasabing lugar.
Tinarget ng mga suspek ang nasabing pulis at nang masigurong patay na, mabilis na tumakas ang mga ito lulan ng pulang Toyota Innova na walang plaka na kung saan ay sugatan naman ang misis at anak ng biktima.
Napag-alamang si Ilagan ay dating nakatalaga bilang hepe ng Station Drugs Enforcement Unit sa Taguig City Police Station bago inilipat sa Police Administration Office ng Southern Police District sa National Capital Region.
Kasalukuyan sinisilip ng mga imbestigador kung may kinalaman sa sindikato ng droga ang isa sa anggulo kaya itinumba ang nasabing opisyal. MHAR BASCO
Comments are closed.