ALINSUNOD sa Oplan Biyaheng Ayos ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Undas, ilalagay rin sa Heightened Alert ang seguridad sa buong linya ng MRT-3 mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 5.
Ito ay para masigurong ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasaherong inaasahang magsisiuwian sa mga probinsya para sa paggunita ng okasyon.
Ayon sa pamunuan ng tren, may mga security at station personnel na ide-deploy upang magbantay at tumugon sa anumang pangangailangan ng mga pasahero.
Tuloy-tuloy din ang koordinasyon sa PNP para sa mga Police Assistant Desks sa mga istasyon.
Regular operating hours naman ang ipatutupad kung saan ang unang biyahe ng tren ay alas-4:30 ng umaga mula sa North Avenue Station at ala-5:05 ng umaga naman mula sa Taft Avenue Station.
Samantala, ang huling biyahe ng tren ay alas-9:30 ng gabi sa North Avenue Station at alas-10:09 ng gabi naman sa Taft Avenue Station.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni MRT General Manager Oscar Bongon ang mga pasahero na i-report sa Police Assistance Desk ang anumang security concern sa tren.
EVELYN GARCIA