(Natengga sa Senado) PRIORITY BILLS NI DU30 IPASA

Duterte

PORMAL na hiniling ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa liderato ng Senado na mabigyan ng kaukulang aksiyon at maaprubahan na nito ang mga nakabinbing ‘priority measure’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng hu­ling tatlong linggo nilang sesyon.

Sa kanyang liham kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sinabi ng former lady president at kasalukuyang Pampanga solon na umaasa siyang pagtutuunan ng pansin ng Senado ang pagpasa sa 11 legislative agenda ng administrasyon Duterte na bagama’t nagawa nang maaprubahan sa lower house ay nakatengga naman sa upper chamber.

“As for the eleven (11) pending bills in the President’s priority legislative agenda, we await the action of the Senate and stand ready to adopt the Senate version in the interest of speedy legislation,” saad pa sa liham ng lider ng Kamara.

Nitong Lunes, Mayo 20 nang magbalik-trabaho ang mga mambabatas at makapagsesesyon hanggang Hunyo 7 bago ganap na magtapos ang 17th Congress.

Kaya naman umaasa si Arroyo na mayroon pang sapat na panahon para pormal na maaprubahan ng dalawang kapulungan ang mga panukalang batas na personal pang hiniling sa kanila ni Presidente Duterte.

Kabilang sa priority bills na ito ang Security of Tenure Act, na naglalayong wakasan ang sistema ng ‘endo’; paglikha ng Coconut Industry Trust Fund; National Land Use Act; pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR); pagpapababa sa Age of Criminal Liabi­lity; pagpapataw ng karagdagang buwis sa sigarilyo at alak; pagpapatupad ng panibagong tax reform package o Trabaho Bill at iba pa.

Sa State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon ay ginawa ng Pangulong Duterte ang kahilingan sa Kongreso na maipasa ang ilang panukalang batas dahil batid niya ang malaking tulong at pakinabang na maibibigay nito sa sambayanang Filipino at siyang nais na maipatupad ng kanyang liderato.

Samantala, nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Arroyo at binigyan-diin na isang karangalan sa kanya na maging katuwang ang Senado para magampanan ang kanyang tungkulin na maisulong ang mga mahahalagang programa ng Duter-te government. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.