NCAA: LADY STAGS SUMALO SA NO. 2

Standings W L
CSB 4 0
Arellano 4 1
SSC-R 4 1
Mapua 3 1
LPU 3 2
Perpetual 2 3
JRU 2 3
San Beda 1 4
Letran 1 4
EAC 0 5

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
12 noon – Mapua vs CSB
2:30 p.m. – Letran vs Arellano

NALUSUTAN ng San Sebastian ang University of Perpetual Help System Dalta, 24-26, 26-28, 25-20, 25-20, 17-15, upang sumosyo sa ikalawang puwesto sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Umiskor si Kat Santos ng go-ahead kill mula sa dalawang blockers para sa Lady Stags upang maabot ang match point bago tinapos ni Hannah Suico ang two-hour, 21-minute contest sa attack error.

Sa kanilang ika-4 na panalo sa limang laro, tumabla ang San Sebastian sa titleholder Arellano University sa likod ng unbeaten College of Saint Benilde na may 4-0 record.

Nagbuhos si Reyann Cañete, ang isa sa 1-2 punch ng Lady Stags kasama si Santos, ng career-high 25 points, kabilang ang limang service aces, na sinamahan ng 14 receptions.

Nagdagdag si Santos ng 18 points, habang kumubra sina Kristine Dionisio, Kamille Tan at Bianca Ordona ng tig-10 points para sa Lady Stags.

Sa salpukan ng winless squads, kumana si Trisha Paras ng 15 kills habang nagdagdag si Max Tayag ng 14 points, kabilang ang dalawang blocks, nang pataubin ng San Beda ang Emilio Aguinaldo College, 17-25, 27-25, 25-23, 25-23, upang putulin ang four-match losing skid.

Si Ordona, nakakolekta ng 9 digs at nagpakawala ng 3 service aces, ang naging game changer para sa San Sebastian, makaraang ipasok sa third set nang mahulog ang Recto-based spikers sa 0-2 set deficit.

Umaasa si coach Roger Gorayeb na paiiralin ng Lady Stags ang kanilang maturity sa court kung nais nilang umabante sa Final Four.

“Diyan kasi lumalabas ‘yung immaturity sa laro kasi katulad nito ni Kat (Santos), first year. Takot na takot kasi hindi siya sanay sa ganyang labanan,” sabi ni Gorayeb,

Tumipa si Mary Rhose Dapol ng 18 points, nagtala si Razel Aldea, nulusutan ang ankle sprain sa third set, ng 6 blocks para sa 14-point outing habang nag-ambag si Charmaine Ocado ng 11 points at 11 digs para sa Lady Altas.

Bumagsak ang Perpetual sa joint sixth kasama ang walang larong Jose Rizal University sa 2-3.