Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – San Miguel vs Rain or Shine
Game 4, Beermen abante sa 2-1
MULING magtatangka ang San Miguel Beer na umabante sa finals habang sisikapin ng Rain or Shine na makatabla at makahirit ng ‘do or die’ Game 5 sa PBA Commissioner’s Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.
Matagumpay na naiwasan ang sweep matapos na manalo sa Game 3, 112-104, haharapin ng Elasto Painters ang Beermen sa alas-7 ng gabi.
Sa import match up ay nakalalamang si Chris McCollough ng San Miguel laban kay Carl Montgomery.
Isa sa mga dahilan ng pagkabigo ng Beermen na walisin ang serye at magmartsa sa finals ay ang tila pagiging sobrang kumpiyansa nito.
Sa pagkatalo sa Game 3 ay walang puwang sa tropa ni coach Leo Austria ang mag-relax at kailangan nilang maglaro nang husto dahil sa sandaling matalo ulit ay tiyak na malalagay sa balag ng alanganin ang kanilang title campaign.
“We have to play serious basketball to win. I reminded my players to put the temporary setback behind their back, focus and concentrate in Game 4. We cannot afford to lose anew because another lose will put our title campaign in peril,” sabi ni Austria matapos na mabigong ma-sweep ang semifinal series.
Pipilitin ng SMB na ibangon ang kanilang namantsahang dangal at tuluyang patalsikin ang RoS sa semis.
Pangungunahan ni McCollough ang opensiba ng SMB, katuwang sina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Chris Ross, Arwind Santos at dating Talk ‘N Text Terrence Romeo habang magsasanib-puwersa sina June Mar Fajardo at Christian Standhardinger para bantayan ang low post.
Muling namang sasandal si coach Caloy Garcia sa kanyang top gunners na sina Maverick Ahanmisi, Jayvee Mocon, Rey Mambatac, Gabe Norwood, James Yap, Mark Borboran at Ed Daquioag at sina Beau Belga at Jewel Ponferrada ang makikipagbalyahan kina Fajardo at Starhardinger sa low post.
Hanggang ngayon ay mailap pa rin kay Garcia ang pinakaasam-asam na korona mula nang kunin ang coaching job kay Yeng Guiao na lumipat sa NLEX. CLYDE MARIANO