NON-CONTACT SPORTS PUWEDE NA SA GCQ

RUNNING

PINAYAGAN na ng  Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) ang pagpapatuloy ng non-contact sporting activities sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) dulot ng  coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa IATF Resolution 38 na ipinasa noong Biyernes at isinapubliko noong Sabado, ang mga atleta at enthusiast ng running, biking, golf, swimming, tennis, badminton, equestrian at skateboarding sa GCQ regions ay maaari na ngayong muling laruin  ang naturang sports na kanilang minamahal at kinahihiligan sa kondisyong susundin ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face masks at pagpapanatili ng physical distancing protocols at walang hiraman ng kagamitan.

Nakasaad din sa resolution na ang mga pasilidad na nagseserbisyo sa nasabing sports ay maaaring muling magbukas ngunit limitado lamang ang mga ito sa basic operation.

Nauna nang pinayagan ng  IATF ang walking, jogging, at biking activities sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Samantala, maaari namang ibalik ang sporting events sa mga lugar na nakatakdang isailalim sa modified GCQ (MGCQ).

Ang naturang events, kasama ang mass gatherings, ay maaaring ipagpatuloy sa MGCQ period bagama’t mayroon lamang itong 50 percent venue capacity limit.        (PNA)

Comments are closed.