OCHOA NASIKWAT ANG IKA-2 GOLD NG PH SA ASIAD

HANGZHOU – Nakopo ni jiu-jitsu fighter Margarita “Meggie” Ochoa ang ikalawang gold medal ng Pilipinas sa 19th Asian Games nitong Huwebes sa Hangzhou, China. 

Nasikwat ng petite Filipina fighter ang gold sa women’s 48kg class ng jiu-jitsu isang araw makaraang magbunyi ang bansa kasunod ng mga panalo ng Gilas Pilipinas at ni Olympian Eumir Marcial sa kani-kanilang semifinal matches.

Namayani si Ochoa, 33, kontra Balqees Abdulla ng United Arab Emirates via 1-0 advantage sa finals, upang ibigay sa bansa ang ikalawang gold nito, apat na araw bago ang pagwawakas ng quadrennial conclave.

Si EJ Obiena ang nagbigay sa Pilipinas ng kauna-unahang gold nito makaraang dominahin ang men’s pole vault sa record-breaking fashion.

“Ibang klase ito kasi ang dami kong pinagdaanan papunta rito,” sabi ni Ochoa, na hindi napigilan ang pag-iyak makaraang ideklarang panalo.

“Sobrang daming pinag-daanan. And ‘yung struggles only made the victory sweeter.”

Ibinunyag ni Ochoa na nilagnat siya sa bisperas ng kanyang laban at kinailangang uminom ng gamot para makalaban.

”As in hanggan kahapon may trangkaso ako so akala ko hindi ko na kaya,” aniya.

Patungo sa finals, si Ochoa ay nanalo via submission laban kina Odgerel Batbayar ng Mongolia sa Round-of-16, at Nazgul Rakhayeva ng Kazakhstan sa quarterfinals, bago dinispatsa si Pechrada Kacie Tan ng Thailand sa pamamagitan ng puntos, 4-2, sa semis upang umabante sa gold medal match.

Idinagdag ni Ochoa ang Asiad gold sa kanyang koleksiyon na kinabibilangan ng pagwawagi ng parehong kulay sa World Championship, Asian Championship, at sa Asian Indoor and Martial Arts Games.

Nahigitan din niya ang bronze medal finish sa 2018 edition ng quadrennial meet sa Palembang, Indonesia.

Inialay ng charming Filipina ang kanyang tagumpay sa samabayang Pilipino na patuloy siyang sinusuportahan at ang buong Philippine contingent.