INAPRUBAHAN na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang P3.757 trillion 2019 national budget.
Napag-alaman na 14 na senador ang bumoto pabor sa panukalang budget.
Ang mga ito ay sina Senators Sonny Angara, Bam Aquino, Senate Minority Leader Franklin Drilon, JV Ejercito,Win Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Grace Poe, Ralph Recto, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate President Vicente Sotto III.
Walang pagtutol at agad na inaprubahan sa plenaryo ang committee amendments na inilahad ni Senate Committee on Finance chairman Legarda.
Magugunitang sinertipikahang ‘urgent bill’ ang nasabing panukala kung saan ay isinasantabi ng Senado ang three-day rule na nagre-require ng 72 oras bago aprubahan para sa ikatlo at huling pagbasa.
Dahil dito, inaasahan na ang pag-convene ng Senado at Kamara para sa bicameral conference committee upang ma-reconcile ang mga tinututulang probisyon mula sa kanilang bersiyon ng budget bill.
Partikular na tatalakayin ang pagtanggal ng P75 billion mula sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na idinagdag ng Department of Budget and Management na hindi naman ipinagbigay-alam sa DPWH.
Ang pondong inalis ay inilagay naman sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. VICKY CERVALES
Comments are closed.